Posas

LGBT, babae hinoldap ng 7 binatilyo

August 5, 2023 Edd Reyes 203 views

HINOLDAP ng pitong kabataang lalaki, isa rito’y armado pa ng baril, ang isang miyembro ng LGBT o lesbian, gay, bisexual at transgender community at ang babaeng kasama niya sa trabaho, Sabado ng madaling araw sa Malabon City.

Pauwi na ang mga biktimang sina Christian Pastrana, 27, ng Dulong Hernandez Street, Barangay Catmon, at kapuwa waitress na si Margie Quianzo, 40, ng Flovie 5, Paradise Village, Bgy. Tonsuya, mula sa kanilang trabaho nang palibutan ng pitong kabataang lalaki dakong alas-12:30 ng madaling araw pagdating nila sa Paradise Village.

Tinutukan ng baril ng isa sa mga suspek ang dalawa at puwersahang kinuha ang kanilang salapi na may kabuuang P1,500 pati na ang cellular phone ni Quianzo, bago mabilis na nagsitakas palayo sa lugar.

Kaagad namang nakahingi ng tulong ang mga biktima sa nagdaraang mobile patrol ng Malabon Police Sub-Station-5, lulan sina P/Cpl. Erwin Calda, P/Cpl. Sergio Consulta III, Pat. Jetro De Vega at Pat. Joemar Cubilla, na mabilis ding tinugis ang mga kalalakihan.

Naaresto naman ang dalawa sa mga suspek na kinilalang sina Fernando Arbalate Jr., 21, at Roan Kyle Delos Santos, 22, na kapuwa naninirahan din sa Paradise Village, Bgy. Tonsuya, habang nakatakas ang mga binatilyo nilang kasabuwat na may bitbit sa salapi at cellphone ng mga biktima.

Lumabas sa pagsisiyasat nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SMSgt. Julius Mabasa na pawang mga binatilyo at wala pa sa hustong edad ang limang kasabuwat ng mga nadakip, kaya’t nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya upang sila’y masagip.

Iniutos naman ni Malabon Police Chief P/Col. Jonathan Tangonan na alamin kung totoo ang impormasyon na tinuturuan pa lang umano ng mga nadakip ang mga menor de edad na binatilyo sa paggawa ng krimen tulad ng panghoholdap, kaya’t ang dalawang biktima muna ang kanilang piniling holdapin kahit batid na maliit na halaga ng salapi lamang ang kanilang makukulimbat sa mga ito.

AUTHOR PROFILE