Las pinas

Las Piñas “Lab on Wheels” mag-iikot na sa mga barangay

June 22, 2024 Edd Reyes 83 views

INILUNSAD ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ang kanilang “Lab on Wheels” na mag-iikot sa bawa’t barangay bilang bahagi ng pagbibigay ng karagdagang seguridad sa kalusugan ng mga residente.

Pangangasiwaan ng City Health Office (CHO) ang pag-arangkada ng mobile laboratory na layuning ilapit at maibigay ang komprehensibong pangangalaga sa kalusugan ng mga Las Piñeros lalu na’t may alok itong libreng chest x-ray, ECG, fasting blood sugar at cholesterol.

Binigyang prayoridad nina Mayor Imelda T. Aguilar at Vice Mayor April Aguilar ang naturang proyekto na makakatulong sa panahon ng medical mission ng local na pamahalaan dahil maihahatid nito ang libre at de-kalidad na mga serbisyo sa mga residente.

“Inilalapit namin ang magagandang serbisyong ito para sa mga Las Piñeros upang tulungan kayo na maibsan ang mga pasaning pampinansiyal sa pagpapasuri sa laboratoryo sa mga pribadong klinika at ospital,” pahayag ni Mayor Aguilar.

Sinabi naman ni VM April Aguilar na bahagi ito ng kanilang programang Tuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo para sa mamamayan ng Las Piñas upang tugunan ang kinakailangang alagang pangkalusugan.

“Patuloy po naming pinaprayoridad ang inyong kalusugan at kapakanan upang tiyak na malusog din ang ating komunidad,” sabi ni VM Aguilar, kasabay ng pagbibigay-diin sa mahalagang papel ng kalusugan sa pagkakamit ng lalu pang kaunlaran ng Las Piñas.

Noong June 11,2024, pinabasbasan ng lokal na pamahalaan ang bagong Las Piñas Lab on Wheels ng CHO kasabay ng mga bagong environmental vehicles ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na kinabibilangan ng pitong compactor trucks, dalawang mini dump trucks, at isang manlift truck.

Gagamitin ng CENRO ang mga bago nilang sasakyang sa pagpapahusay ng mga hakbang ng lokal na pamahalaan sa regular na pangongolekta ng mga basura, clean-up operations, clearing operations, at city-wide tree trimming activities para sa ligtas at malinis na komunidad.

AUTHOR PROFILE