QCGH

Lalaki pinatay ng kaibigan dahil sa timbangan ng droga

May 9, 2023 Melnie Ragasa-limena 674 views

NAUWI sa patayan ang pagbibiruan ng dalawang magkaibigan matapos magkapikunan dahil itinago umano ng suspek ang timbangan habang nagtatakal umano ng droga ang biktima.

Naaresto sa isang follow-up operation ng Novaliches Police Station ang suspek na si Lowell Maza, 23.

Si Maza ang itinuturong sumaksak at nakapatay sa kaniyang kaibigan na si Siegbred Lacambra, 38.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente bandang 8 p.m., May 6, 2023 malapit sa bahay ng biktima sa Panopio St., Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Diumano ay nagkapikunan ang dalawa matapos itago umano ng suspek ang timbangan habang nagtatakal ng droga ang biktima.

Ayon sa suspek nagalit sa kanya ang biktima at pinagbantaan na papatayin siya kaya inunahan na niya.

Nagawa pa ng biktima na makatakbo sa bahay nila matapos saksakin ng suspek.

“Nay! Itakbo mo na ako sa hospital, mamamatay na ako. Ang sumaksak saakin ay si Bitoy,” ito umano ang sinabi ng biktima sa kaniyang ina.

Agad na dinala ang biktima sa Quezon City General Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival.