Default Thumbnail

Lalaki pinatay ang ka-live in dahil sinita pag-uwi ng madaling araw

August 11, 2021 Melnie Ragasa-limena 526 views

TINUTUGIS ngayon ng pulisya ang isang lalaki na tinturong sumaksak at pumatay sa kaniyang live in partner matapos na komprontahin dahil sa pag-uwi nito ng madaling araw sa Novaliches, Quezon City, nitong Miyerkules ng madaling araw.

Ang biktima ay nakilalang si Debie Joy Tomolin, nasa hustong gulang, walang trabaho, at naninirahan sa 10-4 Don Julio Gregorio Street, Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City.

Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang suspek na nakilalang “Carlo”, umano’y live-in partner ng biktima.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang ala-1: 20 ng madaling araw (August 11) sa loob ng tahanan ng maglive-in sa Barangay Bagbag.

Batay sa pahayag kay PCpl Christian D Loyola ng CIDU-QCPD ng landlord ng biktima na si Minerva Garcia, natutulog umano siya nang magising dahil sa ingay dulot ng pagtatalo ng mag-live in.

Ilang sandali lamang ay nakarinig umano ng malakas na kalabog si Garcia kaya agad na pinuntahan ng landlord ang nirerentahan na kuwarto ng mag-live-in upang alamin kung ano ang nangyayari.

Pero nang kaniyang beripikahin ay nakita niya na duguang nakabulagta na si Tomolin habang tumatakbong palabas ng bahay si Carlo.

Agad na humingi ng saklolo ang landlord sa mga opisyal ng Barangay Bagbag pero hindi na naabutan pang buhay ang biktima.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO Team sa pamumuno ni PLt. Reynold Tabbada ang isang kustilyo na may bahid ng dugo.