Kulong

Lalaki naburyong, nanutok ng boga, kulong

February 19, 2024 Steve A. Gosuico 143 views

CABANATUAN CITY–Timbog ang isang lalaki nang maburyong at itinutok ang kanyang baril sa nakabanggaan na nakamotorsiklo noong Linggo.

Sa ulat kay provincial police chief Colonel Richard Caballero, sinabi ni Talavera chief of police Major Domingo Resma Jr. na naganap ang banggaan alas-2:50 ng hapon.

Sa mainit na alitan, bumunot ng baril ang suspek na contractor, 45, ng Brgy. Bakal 2, at itinutok sa 49-anyos na driver mula sa Brgy. Bakal 3.

Pauwi na ang biktima sakay ng Suzuki X4 motorcycle (kolong-kolong) nang muntik makabangga ang Honda TMX 125 tricycle ng suspek.

Nakuha sa suspek ang isang cal.38 revolver na may limang bala.

Inihahanda na ang kasong grave threat at paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) laban sa suspek.

Samantala, dalawang revolver at isang improvised shotgun ang narekober ng mga pulis sa Peñaranda, General Natividad at Gabaldon sa pagpapatupad ng PNP Balik-Baril Program.

“Ang kampanya laban sa loose firearms ay isa ring priority program namin dahil naniniwala kami na maaaring magdulot ng pinsala ang mga baril sa komunidad, lalo na kung ang mga ito ay nasa pag-aari ng mga kriminal,” ani Caballero.

AUTHOR PROFILE