Default Thumbnail

Lalaki hinambalos sa mukha ng pamangkin

May 27, 2022 Melnie Ragasa-limena 277 views

NASAWI ang isang lalaki makaraang hambalusin umano sa mukha ng isang matigas na bagay ng pamangkin sa gitna ng mainitang pagtatalo sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.

Ang biktima ay nakilalang si Luisito Billotica Dael, 53, may asawa, at residente ng 75 Sitio Barimbao, Barangay Tandang Sora, Quezon City.

Pinaghahanap ng pulisya ang nakatakas na suspek na si Mark Angelo Dael, nasa hustong gulang, at naninirahan sa 73 Sitio Barimbao, Barangay Tandang Sora, sa lungsod.

Sa naantalang report sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 11 a.m. (May 20) ng maganap ang insidente sa tahanan ng biktima.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Christian Loyola ng CIDU, nagpunta umano sa bahay ng tiyuhin ang suspek pero sa hindi pa malamang kadahilanan ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa.

Dahil dito ay kumuha ng isang matigas na bagay ang pamangkin at hinambalos sa mukha ang tiyuhin dahilan upang humampas ang ulo nito lamaseng gawa sa semento.

Nang makitang sumusuka ng dugo ang biktima ay agad na tumakas ang suspek.

Naisugod pa ang biktima sa East Avenue Medical Center subalit binawian din ito ng buhay bandang 8:36 p.m. noong May 20, ayon kay Dr. Mary Elaira Loryna Bailbao.

Inaalaam pa ng mga awtoridad ang motibo sa nangyaring krimen habang patuloy pang tinutugis ang nakatakas na suspek. Ni MELNIE RAGASA-JIMENA