Default Thumbnail

Kung tsuper si Jack Ma at mason naman si Elon Musk…

July 13, 2022 Allan L. Encarnacion 437 views

Allan EncarnacionMAY obsesyon ako na hindi mapigilan.

Sa tuwing makikita ko ang mga artikulo tungkol sa pagtatagumpay ng mga bilyunaryo dito sa atin at sa iba pang panig ng mundo, hindi puwedeng hindi ko basahin.

Hindi naman sa nangangarap akong maging isang Elon Musk, Jack Ma, Warren Buffett or maging Jaime Zobel de Ayala or John Gokongwei or Henry Sy o Manny Villar man lang kaya. May mga mapupulot ka rin sa istorya nila na hindi mo makikita sa iyong mga kapitbahay na Maritess or iyong kakilala mong ang prinsipyo sa buhay ay ganito: “Hindi bale nang tamad, hindi naman pagod!”

Sa dami ng mga artikulong nabasa ko tungkol sa mga bilyunaryo na ito, mayroon silang pagkakatulad sa maraming bagay. Lahat sila masisipag, matiyaga, mahaba ang pasensiya, may disiplina at masinop sa paggasta.

Sila iyong mga parang bulate na nasabuyan ng asin sa sobrang likot, hindi mapakali, hindi tumitigil sa pagkilos, hindi tumitigil sa pag-iisip kung paano palalaguin ang kanilang pera.

Kung ikukumpara sa maraming nangangarap na umayos ang buhay, malayong-malayo ang kilos nila sa karaniwan.

Huwag na nating asamin ang mahanay sa Forbes List, doon na lang tayo sa magkaroon ng komportableng buhay para sa ating pamilya.

Palagi ko nga itong naikukuwento, iyong isang pangkaraniwang jeepney driver na si Juan na palaging pinakakawalan ang tiyansa na umayos man lang ang buhay. Kalalabas pa lang sa garahe ng madaling, naarkila siya ng kapitbahay sa biyaheng Batangas sa halagang P5,000, labas pa gasolina.

Wala pang alas-dose ng tanghali, nakabalik na sa Manila. Sa halip na bumiyahe, mas gusto niyang gumarahe at magtawag ng kabarkadang makakainuman kasi may dala siyang pata ng baka mula sa Batangas. Kalahating araw iinom hanggang malasing at makatulog. Kinabukasan, hindi makakabiyahe kasi masakit ang ulo. Iyong P5,000 na kinita niya maghapon, isang libong piso na lang dahil naubos sa inuman ang apat na libo. Pamalengke na nila para sa maghapon ang natira. Kinabukasan, karipas ulit ng biyahe para kumita ng P700 kung buwenas sa pasada. Ang ending, balik siya sa dati niyang ginagawa na naghahabol ng kita. Hirap na hirap pa rin sa buhay hanggang ngayon.

Kung si Jack Ma iyong driver na naarkila ng P5,000, baka namili ng gulay sa Batangas iyon at pag-uwi, idadaan sa bahay nila para ipatinda sa misis sa harap ng kanilang bahay or ilako sa mga kapitbahay. Tapos si tsuper na Jack Ma, bibiyahe pa ulit hanggang alas-9 ng gabi para may dagdag na kita. Magtitinda pa ng gulay sa pasahero niya. Iyong P5K, may natira pang 4K dahil 1K lang pinamili ng gulay. Kumita pa ng P800 sa gulay! May kita pa sa biyahe na P700 at karagdagang 400 sa gulat na naibenta niya sa pasada.

Si Pedro naman na magaling na construction worker ay nakokontrata sa gagawing bahay, papasok ng alas-8 ng umaga tapos magsisimula ng 9 a.m. sa trabaho. Konting pukpok, konting halo ng semento, meryenda na ng alas-diyes. May yosi break pa!

Pag sapit ng alas-11 a.m., magsasaing, uubos ng 15 minutes. Balik sa palitada, konting pukpok na naman. Alas dose, kakain na, magyoyosi at magpapahinga hanggang ala-una. Pagbalik sa trabaho, konting pukpok na naman, alas tres na kaya kailangan nang magmeryenda at magyosi ulit.

Alas-kuwatro y medya pa lang, nagliligpit na ng gamit, hindi pa man dumadapo ang kamay ng orasan sa alas-singko, kumakaripas na ng uwi. Iyon na ang cycle ng buhay niya tapos magtatanong sa Panginoon kung bakit sila mahirap sabay sisi sa gobyerno!

Kung si Elon Musk naman iyong mason, alas-sais nasa job site na, alas siyete nagtatrabaho na, walang meryenda-meryenda, padukot-dukot na lang ng biscuit sa bulsa sabay inom ng tubig sa gripo. Kakain imputo alas dose, tatlong minuto, tapos at trabaho agad. Alas sais na ayaw pang tumigil sa paghahalo ng semento, hindi nagkukuwenta ng oras. Kinabukasan, ganoon na naman kaya nang dumating ang Sabado para sa suweldo, sangkatutak ang overtime pay. Nang sumunod na linggo, ganoon na naman ang kilos, paspas, pulido at naging paborito ng amo. Supervisor na siya ngayon at malamang maging overall foreman.

Si Juan dela Cruz na construction worker, nang sumunod na linggo, naghahanap na ng trabaho dahil sinibak na ng amo! Gutom na naman ang pamilya.

Kaya iyong mga naghihinagpis kung bakit hanggang ngayon ay mahirap pa rin sila at hindi pa nagtatagumpay, mag-recalibrate kayo ng inyong mga body clock, mag-fine tune kayo ng mga work attitude. Wala pa ring tatalo sa disiplina sa trabahp, sipag at malasakit sa kompanya.

Kailangang baguhin natin ang paraan at pagtrato natin sa ating mga ginagawa kung gusto nating makaahon man lang sa hirap nating kinasadlakan. Huwag na tayong maging bilyunaryo, maging agresibo at matuto lamang magmalasakit sa ating mga trabaho, para ka na ring nakasama sa Forbes List kapag nabigyan mo nang maayos na buhay ang iyong pamilya.

[email protected]