Default Thumbnail

‘KOTONGERONG’ LTO ENFORCER KINASTIGO NI ASEC. VIGOR MENDOZA

July 27, 2023 Marlon Purification 1700 views

Marlon PurificationGALIT na ipinag-utos ni bagong Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang agarang suspensiyon laban sa isang LTO law enforcer sa Region 3 na nahuli sa aktong nangongotong sa entrapment operation na isinagawa noong nakalipas na Biyernes sa San Fernando City, lalawigan ng Pampanga.

Sa isang direktiba, inatasan ni Mendoz si ret. Brig. Gen. Ronnie S. Montejo, director ng LTO Region 3, na bukod sa suspensiyon, sampahan din ng kasong administratibo ang tauhang si Kristofferson Canlas, 41, na miyembro ng LTO Law Enforcement Office sa lalawigan.

Si Canlas, residente ng 468 Bgy. Sto. Domingo, Angeles City, ay nahuli sa akto habana kinokotongan ang motoristang si Rolly Nabong, isang negosyante sa Tabuyoc, Apalit, Pampanga.

Kasama nitong naaresto ang isang nagngangalang Roderick Catahan, 41, na residente naman ng Essel Park, Angeles City.

Sa naturang entrapment operation ay disarmahan din si Canlas ang mga awtoridad.

Naganap ang entrapment operation bandang ala-1:30 ng tanghali noong Hulyo 21 sa Bgy, Maimpis, San Fernando City.

Ayon kay Mendoza, ‘preventive suspension’ muna ang kakaharapin ni Canlas at hintayin ang magiging resulta ng isinasagawang imbestigasyon dahil maaari itong tuluyang masibak sa puwesto, bukod pa sa kaharapin ang kasong kriminal at administratibo.

Ang pagkastigo kay Canlas ay ipinalabas ni Mendoza, dalawang araw matapos itong maupo sa puwesto bilang bagong LTO chief.

Ito ang kauna-unahang pagdidisiplina na ginawa ng opisyal na nagsabing hinding-hindi niya papayagan sa kanyang liderato at administrasyon ang pang-aabuso ng mga tiwaling tauhan ng LTO.

Bukod kay Canlas, nais din ni Mendoza na ipasailalim sa imbestigasyon ang ‘immediate superior officer’ nito bilang co-respondent sa ilalim ng ‘Doctrine of Command Responsibility.’

Pinatitiyak ng opisyal na kailangan sa loob ng 90 araw ay matapos agad ang imbestigasyon laban kay Canlas upang mapagdesisyunan kung tuluyan ba itong masibak sa puwesto .

Nais ng bagong LTO chief ang agarang ‘audit inventory’ sa handheld device at manual TOP nito ng suspect.

Base sa sumbong ng biktima, hinuli umano ni Canlas ang truck ng biktima dahil sa violation na colorum.

Hinihingan umano ng suspect ang driver ng biktima ng halagang P70,000 kung gusto nilang matubos ang kinumpiskang truck. Dahil dito, napilitain ang negosyante na lumapit ng tulong sa mga awtoridad na naging dahilanupang ikasa ang entrapment operation.

Huling-huli sina Canlas nang tanggapin ang ‘marked money’ na P70,000 kaya kaagad silang dinala sa Police Regional Office (PRO) 3 Camp Olivas kung saan ay sinampahan din sila ng hiwalay na kasong kriminal.

Sa ganang akin, magandang buwena manong aksiyon ito sa liderato ni Asec Mendoza.

Patunay ito na ‘he means business.’

Ibig sabihin, isang mensahe ito na walang sinumang puwedeng mang-abuso ngayon sa buong LTO.

Hindi na bago sa puwesto si Mendoza sa larangan transportasyon.

Naging congressman ito ng 1UTAK (United Transporation Koalisyon) at naging board member ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Adbokasiya na ng magaling na abogado ang paglinis sa anumang karaingan sa sektor ng transportasyon.

Ramdam nito ang hinaing at ‘frustration’ ng mga driver ng pampublikong saksakyan, gayundin ng mga pribadong motorista.

Isa na rito ang lantarang pangongotong ng ilang law enforcement agencies sa kalsada.

Kaya ngayong siya na ang bagong LTO chief, asahan pa natin ang malaking pagbabago sa nasabing ahensiya na sinasabing isa sa pinaka-corrupt na sangay ng pamahalaan.

Congratulations Atty. Vigor and sana mapatino mo talaga ang LTO, Sir!

God bless po!!!###