Default Thumbnail

Koreano nakitang nakabigti sa loob ng bahay

April 13, 2023 Jojo C. Magsombol 226 views

ISANG Korean national ang diumano’y nagbigti sa loob ng kanyang tahanan sa Bgy. San Luis, Antipolo City, Martes ng hapon, ayon sa report.

Ayon sa imbestigasyon ng kapulisan ng Antipolo City, dakong alas-4 ng hapon ng Abril 11, tumawag sa kanilang himpilan ang kamag-anak ng biktima at inireport ang pagkadiskubre sa bangkay nito.

Sa inisyal na imbestigasyon, isang saksi ang nagtungo umano sa tahanan ng Koreano dakong 12:05 ng hapon at tumambad sa kanyang paningin ang nakabiting katawan nito mula sa baluster ng hagdan gamit ang isang nylon na lubid na nakatali umano sa kanyang leeg.

Matapos masuri ang biktima at kapaligiran ng bahay ay sinasabing walang anumang “foul play” na naganap sa insidente, ayon sa mga pulis.

Kinalaunan, isang “suicide note” na may sulat Koreano ang lengguwahe at cellphone “password pattern” ang nakita sa ibabaw ng mesa kasama ang mga personal na gamit ng biktima.

Dagdag ng pulisya, idadaan sa malalimang imbestigasyon ang insidente sa pahintulot ng kamag-anak ng biktima.

AUTHOR PROFILE