
Kim mangiyak-ngiyak sa best drama actress award
Sina Piolo Pascual at Kim Chiu ang itinanghal na pinakamalaking acting winners sa katatapos na 38th Star Awards for Television Linggo ng gabi sa Dolphy Theater, Quezon City, sa muling pagbibigay parangal ng PMPC sa mga natatanging programa sa telebisyon na umere noong 2024.
Waging Best Drama Actor si Piolo para sa “Pamilya Sagrado” at si Kim naman bilang Best Drama Actress para sa “Linlang.”
Ang dalawang drama series ay kapwa ipinalabas sa TV5 at A2Z.
Mangiyak-ngiyak na tinanggap ni Kim ang kanyang tropeyo at buong-pusong nagpasalamat sa ilang tao na nakatulong sa kanya upang magampanan nang maayos ang kanyang unang bida-kontrabida role sa telebisyon.
Wagi bilang Best TV Station — ang pinakamataas na parangal — ang GMA 7, pagpapatunay ng pangingibabaw ng Kapuso network sa larangan ng telebisyon sa Pilipinas, na nakakopo rin ng pinakamaraming panalo.
Nasungkit ni Janine Gutierrez ang Best Drama Supporting Actress award para sa mahusay na pagganap sa seryeng “Lavender Fields” ng TV5 at A2Z.
Nag-tie naman sa kategoryang Best Drama Supporting Actor sina Dennis Trillo para sa “Pulang Araw” (GMA 7) at Arnold Reyes para sa “My Guardian Alien” (GMA 7).
Hindi nakarating si Dennis sa awards night dahil may maagang taping kinabukasan kaya sa kanyang Instagram post na lang siya nagpasalamat.
“Isa sa mga pinaka mahirap na papel na aking ginampanan, maraming salamat po sa pagkilala na ito.Malaking bagay para sa akin na ang aming trabaho’y inyong napapansin.
Maraming salamat sa PMPC at sa lahat ng mga bumubuo nito. Sa GMA 7 na walang sawang nagbibigay ng trabaho sa akin simula 2002, maraming salamat po sa tiwala. At sa Lahat ng mga naniniwala, para sa inyo at dahil sa inyo ito Taos puso ang pasasalamat ko,” ang pahayag ni Dennis.
Personal namang tinanggap ni Coco Martin at ng mga direktor niya ang tropeyo bilang Best Primetime TV Series para sa “FPJ’s Batang Quiapo” (TV5, A2Z).
Wagi bilang Best Variety Show ang “It’s Showtime” at si Anne Curtis bilang Best Female TV Host sa parehong noontime show, samantalang si Bossing Vic Sotto naman ang nag-uwi ng parangal bilang Best Male TV Host para sa “Eat Bulaga!” (TV5, RPTV).
Naging emosyonal si Janice de Belen nang tanggapin ang pinakamataas na rekognisyon (para sa isang artista o TV host) bilang recipient ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award at nagbalik-tanaw siya sa kanyang pagsisimula bilang child star noong 1978.
Ang nagpakilala naman kay Julius Babao, na ginawaran ng pagkilala bilang Excellence in Broadcasting Lifetime Achievement Award, ay ang mentor niyang si Jake Maderazo, isang haligi ng ABS-CBN News and Public Affairs.
Tilian ang kanilang mga tagahanga nang umakyat sa entablado upang tanggapin ang kanilang tropeyo bilang German Moreno Power Tandem ang KimPau (Kim Chiu at Paulo Avelino) at BarDa (Barbie Forteza at David Licauco).
Ang special award mula sa German Moreno Foundation ni Master Showman Kuya Germs ay tradisyon nang iginagawad tuwing Star Awards for Television.
Madamdamin ring tinanggap ni Maritess Gutierrez ang plake ng pagkilala ng PMPC para sa namayapang inang si Gloria Romero, na binigyan ng special tribute bilang isa sa Icons of Philippine Television at inalayan ng bonggang awitin ni Concert King Martin Nievera.
Sa pamumuno ng batikang dokumentarista na si Howie Severino, naroon din ang “I-Witness” team ng GMA-7 upang tanggapin ang parangal nila nang maluklok ang kanilang iconic program sa PMPC Hall of Fame Award as Best Documentary Program, sa pagkakapanalo nang labing-limang beses sa iisang kategorya sa loob ng maraming taon.
Nauna rito ay inihayag na ng PMPC Star Awards ang ilan pang nanalo sa iba’t ibang kategorya.
Ang 38th Star Awards for Television ay mula sa Airtime Marketing ni Tess Celestino-Howard at sa direksyon ni Eric Quizon.
Ang pagbibigay-parangal na ito ay mula sa PMPC Star Awards, sa pamumuno ni Mell Navarro, kasalukuyang PMPC president at overall chairman Rodel Fernando.
Mapapanood ang delayed telecast ng gabi ng parangal sa April 5, Sabado, 10:30 p.m., sa Channel A2Z.
Narito ang winners sa major awards:
BEST TV STATION – GMA 7
BEST DRAMA ACTRESS – Kim Chiu for Linlang (TV5, A2Z)
BEST DRAMA ACTOR — Piolo Pascual for Pamilya Sagrado (TV5, A2Z)
BEST DRAMA SUPPORTING ACTRESS — Janine Gutierrez for Lavender Fields (TV5, A2Z)
BEST DRAMA SUPPORTING ACTOR – Dennis Trillo for Pulang Araw (GMA 7) and Arnold Reyes for My Guardian Alien (GMA 7)
BEST FEMALE TV HOST — Anne Curtis for It’s Showtime (GMA, GTV, A2Z, All TV)
BEST MALE TV HOST — Vic Sotto for Eat Bulaga (TV5, RPTV)
BEST SINGLE PERFORMANCE BY AN ACTOR – Paolo Contis for Magpakailanman: A Son’s Karma (The Wilbert Tolentino Story) (GMA 7)
BEST SINGLE PERFORMANCE BY AN ACTRESS – Gladys Reyes for Magpakailanman: Inaanak, Inanakan (GMA 7)
BEST PRIMETIME TV SERIES — FPJ’s Batang Quiapo (TV5, A2Z)
BEST DAYTIME DRAMA SERIES – Abot-Kamay Na Pangarap (GMA 7)
BEST DRAMA ANTHOLOGY – Magpakailanman (GMA 7)
BEST MINI SERIES — Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis (GMA 7)
BEST COMEDY SHOW — Pepito Manaloto (Tuloy ang Kuwento) (GMA 7)
BEST COMEDY ACTOR — Roderick Paulate for Da Pers Family (TV5)
BEST COMEDY ACTRESS — Maricel Soriano for 3 in 1 (Net 25)
BEST VARIETY SHOW – It’s Showtime (GMA, GTV, A2Z, All TV)
BEST NEWS PROGRAM — Agenda (Bilyonaryo News Channel)