Crime

Kelot nagpahangin, binaril sa ulo, dedo

April 14, 2024 Edd Reyes 63 views

UTAS ang 40-anyos na lalaki ng barilin sa ulo habang nagpapahangin noong Linggo sa Malabon City.

Dedo agad si Ruel Clapano ng Zamboanga Sibugay at residente ng C. Perez St., Brgy. Tonsuya sa isang tama ng bala sa ulo habang mabilis na tumakas mga suspek papuntang Sanciangco St.

Sa ulat kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, lumabas ng bahay at nagtungo sa Pilapil St., Palmario 2 ang biktima dakong alas-12:30 ng madaling araw para magpahangin ng dumating ang dalawang lalaki na naka-jacket at face mask.

Isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at pinaputukan ng malapitan sa ulo ang biktima na sanhi ng agaran niyang kamatayan.

Ayon kay Baybayan, nakakuha ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng isang basyo ng kalibre .45 na isusumite sa Northern Police District (NPD) Forensic Unit para sa ballistic examination.

Nagsasagawa ng background check ang mga imbestigador sa biktima na makakatulong sa pagtukoy sa motibo ng pamamaslang.

AUTHOR PROFILE