
Kelot huli sa ‘di pagbabayad sa 3 mahal na alak
NABIGONG matangay ng 30-anyos na helper ang tatlong bote ng mamahaling alak na tinangka niyang hindi bayaran sa isang convenience store noong Biyernes sa Malabon City.
Nakalabas na sa 7-Eleven sa Pampano St., Brgy. Longos si Jhon Dame Desaliza, ng Block 38, Lot 16 Alimasag Alley, Dagat-Dagatan, Brgy 12, Caloocan City nang habulin siya ni Monette Fayloga, 35, store manager, dahil hindi binayaran ng suspek ang 3 alak.
Nagkataong nagpapatrulya si P/Cpl. Abdulrahim Ampatua ng Malabon police kaya natiklo ang suspek.
Sa report nina P/SSg Michael Oben at P/SSg Rockymar Binayug kay P/Maj. Alfredo Agbuya, Jr. Officer-in-Charge ng Malabon Police Station, dakong alas-10:20 ng umaga nang pumasok si Desaliza sa naturang branch ng 7-Eleven at dumampot ng tatlong mamahaling alak.
Sinamantala ng suspek ang pagiging abala ng kahera at pasimpleng lumabas, tangay ang tatlong bote ng alak, subalit hinabol siya ng store manager na nakamasid na pala sa kanyang kahina-hinalang kilos.
Nabawi sa suspek ang tinangay na isang litro ng Fundador Brandy, 750ml ng Evan Williams Whisky at 750ml na Jack Daniels Whisky na may kabuuang halagang P5,799.
Iprinisinta na ng pulisya sa Malabon City Prosecutor’s Office si Desaliza para sa inquest proceedings kaugnay sa isinampang kasong pagnanakaw laban sa kanya.