PNP

Kaya ‘yan ng PNP

May 6, 2023 People's Tonight 317 views

TALAGANG napakahalaga ang mabilis na pag-responde ng mga opisyal at miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng tawag “for assistance” sa buong bansa.

Gusto ni bagong PNP chief Gen. Benjamin C. Acorda Jr. na gayahin ng ibang police stations ang integrated Command Control Center (CCC) ng Quezon City Police District.

Sinabi ni Heneral Acorda, na isang Ilocano, na kung kayang ipatupad ng QCPD ang “3-minute police response time” ay walang dahilan para hindi ito magawa sa buong Pilipinas.

Naniniwala tayo, kagaya ng iba nating kababayan, na magagawa ito ng liderato ng pambansang pulisya sa panahon ng panunungkulan ni Acorda, na taga-Batac City, Ilocos Norte.

“What’s important in crime prevention is the police presence in every crime-prone area” hindi lang sa Metropolitan Manila (MM) area kundi sa buong bansa,dagdag ni Acorda,

Kung maaari lang nga ay hindi na kailangang maghanap pa ng pulis ang taumbayan kung may mangyaring krimen, aksidente o ano mang emergency sa kanilang lugar.

Tama si Acorda na kailangang may mga pulis sa lahat ng crime-prone communities para magdalawang-isip ang mga kriminal bago gumawa ng mga labag sa batas sa lugar.

At dapat i-mobilize din ng gobyerno ang mga barangay tanod o miyembro ng Citizens Volunteer Organization (CVO) para tumulong sa kapulisan sa pagbabantay sa komunidad.

Pero sana naman ay bigyan ng dadag na benipisyo ang mga barangay tanod dahil kakapiranggot lamang ang kanilang buwanang honoraria kahit na nagtatrabaho sila 24/7.

Mas kailangan ngayon ng taumbayan, lalo na sa mga liblib na pook, ang presensiya ng mga pulis, barangay tanod at iba pang otoridad dahil sa nararanasang kahirapan.

Hindi ba, PNP chief Gen. Benjamin Casuga Acorda Jr.?

AUTHOR PROFILE