Default Thumbnail

Makabagong hukbong sandatahan

May 6, 2023 Magi Gunigundo 287 views

Magi GunigundoSA nakalipas na tatlong dekada hanggang sa mga susunod pang panahon, matingkad ang pangunahing misyon ng ating Sandatahang Lakas ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas. At malaking pera ang kailangan ng AFP-DND upang maitaguyod ang pagsasanay ng ating mga sundalo at modernisasyon ng mga gamit at sandatang kailangan upang maitaboy ang mga agresibong puwersa na nagkakamkam ng ating teritoryo. Bukod pa sa mga eroplano at barko, ang mga makabagong surface to air missiles na kayang pasabugin ang target na 40 km ang layo at drone attack at radar system ay bahagi ng isang makabagong hukbong sandatahan na layunin natin.

Noong 1935, ang Pilipinas, na teritoryo ng Amerika ng mga panahong iyon, ay naghahanda para sa kasarinlan. Dahil sa pangamba sa pagsiklab ng digmaan sa Japan, ipinasa ang National Defense Act na nag-utos sa mga lalaking mag-aaral sa kolehiyo na magpatala sa Reserve Officers’ Training Course (ROTC). Lumakad ang panahon. Nagsulputan ang teknolohiya sa digmaan tulad ng mas malakas na mga missiles at drones na grabe makapuksa ng kalaban samantalang ligtas sa panganib ang nagpapasabog nito. Hindi tulad noon 1950s-1980s, tumamlay na rin ang CPP-NPA batay sa ulat ng AFP-DND noon Disyembre 2022.

Sa unang tingin, ang pagsasabatas ng National Service Training Program (NSTP) noong 2001, na ginagawang opsyonal na lamang ang ROTC, ay bunsod ng pagpatay sa estudyanteng nagbunyag ng katiwalian at krimen sa pagpapatupad ng programa. Hindi pansin ng ordinaryong mamamayan na sumunod lamang ang pagpihit ng patakaran sa pagtatasa ng ating militar sa radikal na nagbagong kapaligiran ng pambansang seguridad na sapat upang ibaling ang pokus ng hukbong sandatahan lakas mula sa panloob na problemang pang seguridad, sa panlabas na bantang pagkamkam ng ating teritoryo na kailangan ipagtanggol.

Sinimulan ni Pangulo Fidel V Ramos ang pagtatasa ng pambansang seguridad noong 1995, kasunod ng dalawang malaking kaganapan: ang pagsasara ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas at ang pagsakop ng Communist China sa Mischief Reef sa West Philippine Sea( WPS), na dati’y kontrolado ng Pilipinas dahil bahagi ito ng eksklusibong sona pang ekonomiya ng bansa sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea. Sa pag-alis ng mga Amerikano na nagpapatrolya ng WPS, wala ng takot ang navy ng Communist China upang pasukin at kamkamin ang karagatan ng Pilipinas.

Dahil dito, isinabatas ang AFP Modernization Act (AFPMA) na naglatag ng 15 taong plano para pahusayin ang kakayahan ng bansa para sa pagtatanggol sa sarili. Noong 2012, ang agresibong kilos ng Communist China sa Scarborough Shoal ay nag-udyok sa pagpapalawig pa ng AFPMA hanggang 2027 na nilagyan ng U$ 40 B na badyet.

Ang AFPMA ay tumulong sa DND-AFP upang maging isa sa limang (5) ahensiya ng pamahalaan na pinakamataas ang badyet sa General Appropriations Act(GAA). Noon 2022, ang alokasyon ng DND-AFP ay umabot sa P706B , humigit-kumulang 15.7% ng kabuuang GAA. Gayunpaman, ang inilabas na badyet para sa AFPMA sa nakalipas na dalawang dekada ay kulang pa rin upang makamit ang modernisasyon na negatibong naapektuhan ng 1997 Asian Financial Crisis at ng pandemya ng 2020, na nagtapyas sa badyet ng AFP-DND. Ang Pilipinas ay gumagastos ng humigit-kumulang 1% ng GDP sa pambansang seguridad, at ito ay lubhang maliit sapagkat pangalawa ito sa pinakamababa ang badyet sa mga bansang ASEAN.

Ang DND-AFP badyet para sa personnel services (PS) ay humigit-kumulang 55% para sa mga suweldo at benepisyo ng mga sundalo at malaking bahagi nito ay napupunta sa army na bumubuo ng 70% ng AFP. Ang ginawang pagpapapogi ng administrasyong Duterte sa mga sundalo at retirado sa pagpapataas ng mga pensyon at benepisyo nila ay kumakain ng 28% ng PS badyet. Nagpatunog na ng alerto ang mga eksperto na hindi kakayanin sustentuhan ito. At ang panukalang ibalik ang sapilitang ROTC na mangangailangan ng malaking pondo para sa pagtatatag ng isang byurukrasya na mangangasiwa ng programa ay lalong magpapalubha ng problemang ito.

Parang mayroon mahiwagang puwersa na nasa likod ng mungkahi na tapyasan ang natitirang 21% badyet para sa modernisasyon ng sandatahang lakas at ng mapondohan ang ROTC. Huwag naman sanang magtagumpay sila. Kapag nangyari ito, tuloy ang ligaya ng Communist China sa WPS.

AUTHOR PROFILE