Paul Gutierez

Kaya pala tahimik…

March 1, 2024 Paul M. Gutierrez 91 views

KILALA si Senador Alan Peter Cayetano na mabusisi, mausisa at aktibo sa lahat ng mga pagdinig sa Senado noong unang 12-taon niya bilang sendaor. Gayundin nang maging kinatawan siya ng Taguig, kung saan naging House Speaker pa nga siya.

Bantog siya sa mga pasabog at pagsisiwalat ng mga anomalya at katiwalian, maging ito man ay ahensiya ng gobyerno o indibidwal.

Aktibo rin siya sa mga debate at balitaktakan, kung saan halos lahat ng issue at usapin ay “maingay” siya. Kaya nga halos araw-araw ay laman siya ng mga balita. Kumbaga, ‘pag bumukas ang bibig ni Sen. Alan ay siguradong laman na nang mga balita.

Pero bakit nga ba tila tahimik ang nakababatang kapatid ni Senador Pia mula nang magbalik siya sa Senado? Marami nang maiinit na usapin ang naganap sa Senado ngunit hindi natin napansin ang aktibong pakikilahok ng senador.

Ang dahilan? Naglabasan kamakailan sa mga balita na si Sen. Alan ang nanguna sa mga senador na may pinakamaraming absent. Batay sa record ng Senate Legislative Journal Service, nakadalo lamang si Cayetano ng 36 sa 54 regular plenary sessions mula July 24, 2023 hanggang February 21 ngayong taon.

Batay pa sa record, sa 36 araw na pumasok si Cayetano, 16 na beses naman itong late. At sa apat na araw na absent siya ay nasa official trip ito sa ibang bansa.

At heto ang isa pang nakakatuwa, kasamang Anna Santos, kamakailan ay inakusahan ni Sen. Alan si Pangulong Bongbong Marcos na mahilig mag-absent sa Senado, sa isang vice presidential debate noong 2016. Nagtapat ang dalawa, na noo’y parehong senador, sa vice presidential race noong 2016.

Kung sabagay, hindi naman pala bago na top absentee si Cayetano, dahil noong 2017 ay siya rin ang may pinakamaraming absent sa Senado, kung saan nakadalo lamang siya ng 31 session days mula July 25 106 hanggang May 31, 2017.

Wala naman tayong masamang ibig sabihin dito. Nakaka-miss lang ang mga tulad ni Sen. Alan na talagang kapag tumayo sa floor ay siguradong may bitbit itong pasabog, na talaga namabg suportado ng mga dokumento.

Matagal din tayo nag-cover sa Senado bilang reporter at alam natin ang husay at abilidad ni Sen. Alan. Wala itong pinapalampas na issue lalu’t higit kung may kinalaman sa kapakanan ng bansa.

Well, baka naman nag-iipon lang si Sen. Alan ng mga sorpresang pasabog kaya tahimik pa siya sa ngayon. Sa mga tulad natin na nakaka-miss sa mga tirade ng senador, abangan natin ang kanyang muling “pagpapasabog ng mga bomba.”

AUTHOR PROFILE