Allan

Pasegurong walang kasiguraduhan!

March 1, 2024 Allan L. Encarnacion 121 views

MASAYANG ibinalita ng anak kong si Bryan na kumuha raw sila ng insurance para sa kanilang anak na si Mati.

Isang daang libo piso ang hulog bawat taon. Sa ikaanim na taon, tatanggap na raw ang bata ng P40,000 every other year pero kailangan tapusin nila ang paghuhulog hanggang sampung taon para sa kabuuang P1 milyon.

Medyo may pagka-Einstein ako pagdating sa bilangan ng sukli kaya sinabi ko sa kanila kung paano ang totoong magiging sistema ng kinuha nilang insurance. Ngayon ay apat na taon ang anak nila. Kapag 10 years old na siya, doon na magsisimula ang pagtanggap niya ng P40K.

Since every other year ang dibidendo, ang ginawa ko, iyong P1,000,000 na maibababayad nila after ten years divided into P40K. Sa kuwenta ko nasa 50 years aabutin bago nila mabawi ang naihulog nila kasi every other year lang naman hindi yearly ang bigayan. Kung taun-taon ang P40k, lalabas na 25 years lang bawi na sila.

Dahil nga kada ikalawang taon, kung 10 years old na si Mati magsisimulang tumanggap ng P40K, ibig sabihin, sa senior citizen niya ay doon pa lang nila mababawi ang isang milyong piso.

Nagkatinginan ang mag-asawang Bry and Lhu na umiikot at mata sa pagkuwenta or baka sa pag-iisip. May kick pa akong sinabi sa kanila, kapag dalawa or tatlong beses kang hindi makakabayad, mababalewala ang lahat ng hinulog mo. Magiging zero na yan.

Hindi raw sinabi sa kanila iyon ng solicitor. Wala namang manliligaw na sinisiraan ang kanyang sarili habang kaharap ang nililigawan. Hindi rin naipaliwanag sa kanila ang kabuuan ng transaksiyon dahil iyong mga tanong ko sa kanila ay hindi nila naitanong.

At may paurot pa ako, alam nyo ba, maraming insurance ang sobrang pagpapahirap sa mga claimant kapag dumating ang panahon ng maturity ng iyong policy? Napakaraming hahanaping dokumento para patunayan kung ikaw ang nagpa-insured. Kapag minalas-malas ka pa, bago mag-mature, magsasara na ang kompanya tulad ng nangyari sa kinuha naming College Assurance Plan o CAP para kina Bryan at Deivid. Matapos naming maghulog na mag-asawa, nalusaw ang kompanya, wala kaming nakuha sa CAP kahit pambili man lang ng monggol pencil gayong nasa P475K ang naihulog naming over the years!

SInabihan din sila ng kanilang mommy Marita na kung kaya nilang maghulog ng P100K annually, bakit hindi na lang nila ipunin para hawak pa nila ang kanilang pera?

Pagkatapos ng paglalatag ko kina Bry and Lhu ng totoong senaryo, nalaman namin kinabukasan na iniatras na pala nila ang kinuha nilang insurance. Pero ang sistema, hayun, ang dami nang dokumentong hinahanap sa kanila, maghihintay pa sila ng matagal na proseso dahil wala pa raw ang mga pipirma.

Iyong isang kaibigan ko, 2021 ay nag-mature ang insurance nila. May claim silang P7 million. Hanggang ngayon, wala pa silang nakukuha kahit singko dahil nang pumunta sila sa opisina ng kanilang insurer, sinabi sa kanila na may backlog pa sa binabayaran. Nasa 2016 pa lang daw. Ibig sabihin, 2021 sila nag-mature kaya malamang, si Jude na 5 years old na inaanak ko at apo ang aking kaibigang claimant ay aabutin na ng 70 years old hindi pa nila nakukuha ang P7 million! Hello Insurance Commission!

Ang problema talaga sa insurance industry dito sa atin, hindi mo puwedeng sandalan na katulad ng mga insurance sa US. Dito sa atin, paseguruhang hindi ka sigurado kung ano ang magiging kinabukasan mo kapag nagbayad ka na sa kanila. Napakaraming scammer at hindi mo na rin matukoy kung ano ang legit at ano bogus.

Ang mas mabigat ng problema, may mga legit insurance company na bogus din ang scheme dahil sa pagpapahirap sa mga claimants kapag dumating na ang panahong sila na ang magbabayad sa kliyente nila.

Kaya nga ang totoong insurance lang na hindi ka maloloko ay iyong sarili mong pera ang iipunin at hawakan mo para kahit anong oras mong kailanganin ay wala ka nang kailangang kakausapin.

[email protected]