Posas1

Kawatan ng manok tiklo

October 24, 2023 Edd Reyes 251 views

ARESTADO ang isang 37-anyos na lalaki dahil sa paninikwat ng imported na panabong na manok noong Lunes sa Malabon City.

Sa nakarating na ulat kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, natimbog si alyas “Jayson” ng tumilaok ang tinangay niyang manok ni Apolonio Martinez, Jr., 59, ng 42-A Maria Clara St. Brgy. Acacia, Malabon.

Agad na humingi ng tulong si Martinez sa mga tambay na kalalakihan sa kanilang lugar nang makitang bitbit na ng tumatakas na suspek kanyang manok.

Nahuli ang suspek sa hindi kalayuan.

Kung hindi naman sa mabilis na pagdating nina P/SSg Ariel Brazan at P/SSg. Jojie Morta ng Malabon Police Sub-Station 2, malamang na nalamog sa gulpi ang suspek ng mga humabol sa kanya.

Nabawi naman ng pulisya sa suspek ang panabong na manok na nagkakahalaga ng P10,000.

Inihahanda na ni P/SSg. Jeric Tindugan, imbestigador na may hawak ng kaso, ang mga dokumento sa paghahain ng reklamong pagnanakaw laban sa suspek Malabon City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE