Default Thumbnail

Kasal ng pulis naudlot dahil nanutok ng baril

October 20, 2023 Edd Reyes 238 views

NAUNSIYAMI ang nakatakdang kasal ng isang pulis nang dakpin ng kanyang mga kabaro matapos ireklamo ng panunutok at pagpapaputok ng baril, Huwebes ng madaling araw sa Las Piñas City.

Plantsado na sana ang kasal ng pulis na nakatalaga sa Las Piñas Police Sub-Station 2 ng araw ng Biyernes, Oktubre 20.

Ngunit ito’y naudlot matapos siyang dakpin ng mga kabaro dahil sa reklamong panunutok sa 24-anyos na kapitbahay at pagpapaputok ng baril sa Rebecca’s Compound, Almanza Uno, dakong alas-3:30 ng madaling araw.

Mismong si Las Piñas chief of police P/Col. Jaime Santos ang umasikaso sa reklamo ng kapitbahay ng pulis sa Almanza Uno, hinggil sa ginawa umanong panunutok sa kanya ng dalawang ulit ng pulis habang nasa impluwensiya ng alak.

Ayon kay Santos, bukod sa nahagip ng nakakabit na CCTV sa Almanza Uno ang ginawang pagpapaputok ng sunod-sunod ng pulis, lumutang pa ang isang testigo na magpapatunay sa ginawang walang habas na pagpapaputok ng pulis, bago napagdiskitahan namang tutukan ng baril ang kapitbahay na kanyang kinompronta habang nagtatali ng unan sa kanyang bisikleta.

Sa pahayag ng kapitbahay kay Santos, nahawakan niya ang baril ng lasing na pulis nang itutok sa kanyang ulo at binitawan lang niya ito nang sabihin ng pulis na hindi niya ito ipuputok.

Gayunman, nang pumasok umano siya sa loob ng bahay, sinundan at tinutukan siyang muli ng pulis kaya’t dito na sila nagpambuno hanggang maagaw niya ang baril at mabilis na nagtungo sa barangay upang isuko ang baril.

Humingi na ng responde ang barangay sa pulisya na naging dahilan upang madakip ang suspek.

Ayon sa kanyang mga kapitbahay, ang suspek ay laging nagwawala at nagpapaputok ng baril sa tuwing nasa impluwensiya ng alak.

Nakatakda namang iprisinta ang suspek sa piskalya para isailalim sa inquest proceedings kaugnay sa mga kasong illegal discharge of firearm in relation to the Omnibus Election Code at grave threat na isasampa laban sa kanya.

AUTHOR PROFILE