Leguesma

Kampanya kontra ‘child labor’ pinaigting ng DOLE

April 15, 2023 People's Tonight 419 views

NANGAKO ang Department of Labor and Employment (DOLE) na mas paiigtingin nito ang pagsisikap upang wakasan ang “child labor” sa bansa.

Ayon sa Special Release on Working Children Situation para sa 2019 hanggang 2021 na inilathala ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong ika-3 ng Marso 2023, mayroong 1.37 milyon na mga batang-manggagawa kung saan 935,000 dito ang nasa child labor.

Tinukoy din sa special release na ang sektor ng agrikultura na nangungunang industriya na may pinakamaraming child laborer at ang Northern Mindanao Region na may pinakamataas na insidente ng child labor.

Dahil sa pagtaas ng bilang ng mga batang-manggagawa, dinoble ng Kagawaran ang pagsisikap nito na subaybayan ang mga na-profile na child laborer upang mapabilis ang pag-alis sa kanila mula sa child labor.

“Nananatiling matatag ang administrasyong Marcos sa pagbibigay prayoridad na wakasan ang child labor sa bansa. Sa ilalim ng Chapter 3 ng Philippine Development Plan 2023-2028, ang target para sa indicator na ‘number of child laborers’ ay zero,” pahayag ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma.

Bukod sa patuloy na pagtutulak ng kampanya laban sa child labor, ang Kagawaran – bilang tagapangulo ng National Council Against Child Labor (NCACL), ay nangunguna sa pagbuo ng Philippine Program Against Child Labor (PPACL) Strategic Framework para sa taong 2023-2028.

Nagsusumikap ang PPACL na baguhin ang buhay ng mga batang-manggagawa, kanilang mga pamilya at mga komunidad tungo sa pagpapahalaga sa kanilang sarili, pagpapalakas, at pag-unlad. Kumikilos din ito tungo sa pagpigil at unti-unting pag-alis ng mga bata sa pagtatrabaho sa pamamagitan ng proteksiyon, pagpapagaling at reintegrasyon ng mga batang-manggagawa sa mapagkalingang lipunan. Sinusuportahan nito ang pag-alis sa matinding kahirapan, na siyang pangunahing dahilan ng child labor sa bansa.

Idinagdag ni Laguesma na bilang kontribusyon sa PPACL, ang DOLE ay nagbibigay din ng mga kinakailangang serbisyo sa mga profiled child laborers. “Nagpapatupad ang DOLE ng Child Labor Prevention and Elimination Program na nagbibigay ng mga serbisyo sa kanila at sa kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng direktang interbensyon o referral sa mga naaangkop na ahensiya at organisasyon.”

Mula 2018-2022, ang DOLE ay nakapag-profile ng 620,556 child laborers, kung saan 614,066 ang ini-refer sa mga angkop na ahensiya at organisasyon, 138,460 ang nabigyan ng kinakailangang serbisyo, at 148,248 naman ang naalis na mula sa child labor.

Para sa taong 2023, uunahin ng DOLE ang pagsubaybay sa 160,288 child laborers na na-profile noong 2022.

Patuloy na magsasagawa ang DOLE ng iba’t-ibang adbokasiya, gamit ang quad-media platforms, upang itaas ang kamalayan gayun din ang pangangalap ng suporta sa kampanya laban sa child labor, palakasin ang kapasidad ng DOLE Regional Offices at mga labor inspector, social partner, at iba pang stakeholder sa pambansa at lokal na antas.

Kabilang rin ang pag-isyu ng Working Child Permit (WCP) sa mga batang wala pang 15 taong gulang na hindi nasasakop sa mga ipinagbabawal sa itinakda ng batas sa ilalim ng Republic Act No. 9231, ipatupad ang mga batas laban sa child labor sa mga lugar-paggawa sa pamamagitan ng Labor Inspection Program, pag-profile sa mga child laborer upang mahanap at tukuyin ang mga batang sangkot sa child labor.

Sakop rin ang pagligtas sa child laborers sa pamamagitan ng “Sagip Batang Manggagawa” at iba pang kahalintulad na mekanismo, at magbigay ng tulong sa mga profiled child laborer at kanilang mga pamilya, lalo na ang tulong-pangkabuhayan, upang madaling maialis ang mga bata sa child labor.

Nananatiling pangunahing prayoridad ng DOLE ang tuluyang pagwawakas at pag-iwas sa child labor.

AUTHOR PROFILE