
‘Kamalayan sa pag-iwas sa sunog, itaas’
HINIMOK ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga lokal na pinuno ng lungsod at bayan na kumilos sa pagpapataas ng kamalayan ng kani-kanilang komunidad sa pag-iwas sa sunog.
“Sabi ko nga sa inyo noon, ang gamit ay nabibili. Ang pera ay kikitain, subalit ‘yung perang kikitain ay hindi nabibili ang buhay. A lost life is a lost life forever,” sabi ni Go sa kanyang video message sa mga biktima ng sunog sa Barangay San Miguel, Iligan City.
Nagtungo ang kanyang Malasakit Team sa nasabing lugar noong Miyerkules, Pebrero 21 para mamahagi ng tulong sa mga nasunugan.
“Pangalagaan at ingatan po natin ang buhay at kalusugan ng bawat isa. Ang importante po magtulungan tayo, sino pa ba ang magtutulungan kung ‘di tayo lang po kapwa natin Pilipino. Kaya po nandirito kami ngayon para tulungan kayong lahat ng mga kababayan ko,” ani Go.
Isinagawa ang relief activity sa barangay hall, kung saan tumanggap ang mga pamilyang nasunugan ng tulong pinansyal, meryenda, grocery packs, lalagyan ng tubig, kamiseta, bitamina at iba pa.
Naroon din ang mga kinatawan ng National Housing Authority at Department of Trade and Industry para sa kanilang tulong sa pabahay at kabuhayan.
Binigyang-diin ni Go ang makabuluhang development sa programang modernisasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), ayon sa ipinag-uutos ng Republic Act No. 11589, na pangunahin niyang iniakda at inisponsoran.
Katuwang ang Department of the Interior and Local Government at LGUs, ang BFP ay responsable sa pagsasagawa ng mga regular na kampanya sa pag-iwas sa sunog at information drive, partikular sa malalayong lugar.
Samantala, hinikayat ni Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, ang mga indibidwal na may isyu sa kalusugan na gamitin ang mga serbisyong tulong-medikal na ibinibigay ng Malasakit Center.
May Malasakit Center sa Gregorio T. Lluch Memorial Hospital (GTLMH) sa lungsod o sa Kapatagan Provincial Hospital sa bayan ng Kapatagan.
Ang Malasakit Center ay isang convenient one-stop shop kung saan pinagsama-sama para magbigay ng tulong-medikal sa mahihirap na Pilipino ang mga ahensiya ng gobyerno.
Si Go ang principal author at sponsor ng RA 11463 o Malasakit Centers Act na nakatulong na sa mahigit 10 milyong Pilipino sa pamamagitan ng 159 operational centers sa buong bansa.