Default Thumbnail

‘Kalinga sa Maynila’ ginanap sa San Andres

September 30, 2022 Edd Reyes 233 views

INATASAN ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang Engineering Office na madaliin ang pagsasaayos ng Manila City Pound and Animal Clinic sa Vitas, Tondo na magsisilbing tahanan ng mga aso at pusang gala na mahuhuli sa mga lansangan sa lungsod.

Ibinigay ng alkalde ang kautusan kay City Engineer Armand Andres makaraang ireklamo ni Chairman Jaime Co, Jr. ng Barangay 778 San Andres ang pagdami ng mga asong patuloy na gumagala sa mga lansangan sa ginanap na lingguhang pagtungo nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo, kasama ang mga pinuno ng iba’t-ibang departamento, nito lamang Biyernes sa iba’t-ibang distrito upang ilapit sa mamamayan ang City Hall sa kanilang programang “Kalinga sa Maynila, Pulong-Pulong sa Pagtulong” na ginanap naman sa covered court ng Bgy. 790 sa ikalimang distrito ng San Andres.

“Kasi ho, Chairman, ang ating City Pound sa Vitas Tondo, ay kasalukuyang isinasaayos. Ito po ay lalo nating pinalalaki at pinagaganda, ayan po si Engr. Andres, pinapaspasan po natin ang pagpapagawa ng City Pound kasi po hindi na po niya ma-accommodate lahat talaga,” pahayag ng alkalde.

Aminado rin si Mayor Honey na sa ngayon ay kulang na kulang ang mga sasakyang ginagamit ng Manila City Pound na nasa ilalim ng tanggapan ng Veterinary Inspection Board (VIB) na panghuli ng mga aso at pusang gala. “Hayaan niyo po, dahil po sa inyong obserbasyon, lalo po nating mamadaliin ang pagsasaayos ng serbisyo ng ating VIB,” dugtong pa ng alkalde.

Sa mungkahi namang ipinarating ni Chairman Marwin Pawing ng Bgy. 786, hiniling niya sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan na may kinalaman sa isinasagawang “clearing operation” na sana ay umaksyon kaagad sila sa mga reklamo at kahilingan ng mga opisyales na barangay na tulungan silang linisin ang mga lugar na kanilang nasasakupan na may mga istrakturang inilagay sa lansangan at bangketa dahil kahit aniya may larawan pa silang ipadala, mabagal ang aksyon sa kanilang hiling.

“Nakakaranas po kasi kami na idini-dribble sa iba’t-ibang tanggapan ang aming request na matanggal ang mga sagabal sa kalye na may kalakip pang larawan kaya hindi naa-aksyunan,” reklamo pa ni Chairman Paming.

Ipinaliwanag naman ni Mayor Honey na may binuo na silang “task force” na may kinalaman sa pagsasagawa ng “road clearing” na kinabibilangan ng mga pinuno ng iba’t-ibang departamento na puwede nilang lapitan kung nais nilang humingi ng tulong para malinis ang sagabal sa mga kalyeng kanilang nasasakupan.

Aminado ang alkalde na mahirap talagang magsagawa ng paglilinis ng anumang mga sagabal sa lansangan bagama’t patuloy nilang ginagawa ito araw-araw.

“Pero kung gaano po kami kabilis mag-clearing, ganoon din po sila ganoon kabilis bumalik, pero sabi ko nga sa mga kasamahan kong department heads, pahabaan ito ng pasensiya kasi trabaho naming yan, hindi kami puwedeng mapagod,” sabi pa ng alkalde.

Gayunman, hiniling ng alkalde sa mga opisyal ng barangay na tumulong silang mapanatiling malinis ang mga lansangan na tinanggalan ng mga sagabal kasabay ng pagbibigay ng babala kaugnay sa inilabas na memorandum ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang mga opisyal ng barangay ang mananagot at masasampahan ng kasong administratibo sa oras na pinabayaan nilang makabalik ang mga sagabal sa lansangan na nauna nang nilinis ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.

AUTHOR PROFILE