Allan

Kahirapan at kawalan ng oportundidad’

June 24, 2024 Allan L. Encarnacion 86 views

MAKAILANG ulit na kaming nagdedebate ng bunso naming si Deivid tungkol sa isyu ng kahirapan ng marami nating kababayan sa tuwing nakasakay siya sa aming kotse at tumitingin sa aming mga dinaanan.

Ang palagi niyang argumento sa tuwing nakikita ang mga namamalimos, ang mga pagala-gala sa kalye na vendors ay ang kawalan ng opurtunidad sa lipunan.

May isang pagkakataon, binanggit niya na 1% lamang ng working population ang sumasahod ng mas mataas sa minimum wage.

Nang mapunta kami sa BGC sa The Fort, simabi niyang kaya matrapik doon ay maraming kababayan tayo ang nag-imbudo sa area para magtrabaho. Para sa kanya, mas made-decongest ang BGC kung maraming katulad nito ang puwedeng puntahan para makapagtrabaho.

Hindi raw equally disributed ang kayamanan ng Metro Manila or ng bansa kaya nagsisiksikan ang mga tao sa mga lugar lang na kung saan may opurtunidad para magtrabaho.

May mga tamang puntos naman siya sa aming “pagtatalo” pero palagi kong sinasabi sa kanya na ang mga isyu niya sa kawalan ng opurtunidad ng maraming mamamayan ay hindi kasalanan ng gobyerno. By the way, si Deivid ay graduate sa Ateneo de Manila na cum laude sa kursong Communications, hindi political science.

Kasama siyempre sa Exhibit A ko to prove my point ay ang aking pagsisimula bago nagkaroon ng career sa diyaryo, telebisyon, radyo, public relations at kung saan-saan pang kompanya. Nakapag-aral ako, nakatapos ng kolehiyo sa Lyceum hanggang makapagtrabaho. Walang oras na naramdaman ko na wala akong opurtunidad dahil nakakalaban ako sa larangan na pinasok ko.

Ipinapaliwanag ko sa kanya na hindi ang “lack of opportunity” o “kasalanan ng gobyerno” ang isyu rito. Doon tayo magsisimula sa “original sin”. Ang gusto kong tukuyin sa orginal sin ay ang kawalan ng edukasyon o hindi nakapag-aral ang maraming kababayan nating salat sa opurtunidad.

Kaya nga may isyu tayo ng “mismatching” o mga trabahong kailangan sa mga kompanya pero walang qualified na aplikante. Malaking opurtunidad ito na hindi masunggaban ng mga taong wala dapat sa kalsada.

For the sake of argument, kung papatawan natin halimbawa ng kasalanan ang pamahalaan in general, 10% lamang ito dahil ang 90% na pagkakasala ay nasa tao mismo. Maraming public school dito sa atin na puwedeng pasukan ng mga kabataan subalit madalas, kung hindi man ayaw mag-aral ng bata, ang mismong magulang ang hindi driven para pag-aralin ang kanilang mga anak.

Kaya nga may mga pag-aaral ang nagsasabing maraming mga kabataan ang nasa elementarya pa lang ay tumitigil na sa pag-aaral. Mayroon ding umaabot sa 2nd year high school, ayaw nang mag-aral. Kung makatapos man ng high school, ayaw nang magpatuloy sa kolehiyo. Kaya nga kung dadaan sa harapan nila ang opurtunidad, nilalagpas-lagpasan lang sila. Huwag nating kalilimutan, kung minsan, kahit janitor/messenger, gusto ng kompanya atleast 2nd year college man lang.

Maraming factor ito kung bakit tumitigil, nariyan ang kawalan ng pera, ayaw na talagang mag-aral, or mas gusto nang magtrabaho sa constructions or pabrika kaya tumigil na sa pag-aaral. Pero aminin din natin, iyong ibang ayaw nang mag-aral ay mas gusto lang talagang maging tambay or makasama ang barkada. Sila iyong mga kabataang masaya ngayon pero hindi tumitingin sa kinabukasan.

Maraming kabataan dyan, kapag nasubukang kumita sa paghahalo ng semento o kaya’y pananahi or pagtimpla ng tocino, kahit na mag-aral pa. Tumitigil na sila dahil nagustuhan na ang pagkita.

Kaya nga ang ending, kapag lumaon ang panahon ng pakikipagsapalaran sa buhay, iyong mga tumigil sa pag-aaral or mga talagang hindi nag-aral ang sila mismong mga hirap sa buhay.

May puntos din naman talaga ang aking anak sa aming pagdedebate subalit hindi ko papayagang magsara ang kanyang isip na isisi sa estado or sa kanino mang kapitbahay ang kahirapan ng marami nating kababayan.

Kailangang malinaw kay Deivid at sa lahat ng mga kabataan ang edukasyon lang ang malakas na armas para makalaban ka sa buhay. Maliit na porsiyento lang ng populasyon sa buong mundo ang nagtagumpay kahit walang pinag-aralan. Iyon talaga ang tinawag naming tsamba!

Iba pa rin ang may pinag-aralan.

[email protected]