
Inireklamo kapitbahay sa barangay, dinedo
DEAD on the spot ang isang lalaki matapos umanong saksakin ng kapitbahay na inireklamo umano niya sa barangay.
Nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Mateo Tendenilla, 37, residente ng Camia Extension, Barangay Old Capitol, Quezon City.
Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang suspek na kapitbahay umano ng biktima.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District nangyari ang insidente alas kuwatro ng umaga, Nobyembre 23, 2023 sa loob ng tahanan ng biktima.
Ayon sa isang saksi narinig umano niya na umuungol ang biktima kaya agad siyang pumasok sa loob ng bahay nito at nakita umano niya na sinasaksak ng suspek ang biktima.
Nang makita ng suspek ang testigo ay bigla itong sumibat patakas.
Agad namang humingi ng tulong ang testigo sa barangay.
Napag alaman na Setyembre ng taong ito ay nagreklamo umano ng Malicious Mischief ang biktima sa Lupon Tagapagpamayapa ng Barangay Old Capitol laban sa suspek.