Posas

Impostor na militar timbog

October 19, 2023 Edd Reyes 146 views

ARESTADO ang isang lalaking nagpanggap na sundalo nang mag-escort sa tatlong Chinese na nagtangkang mag-file ng reklamo sa pulisya noong Miyerkules sa Paranaque City.

Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Roderick Mariano, dumating sa Tambo Police Station ang lalaking nagpakilalang opisyal ng militar, kasama ang tatlong Chinese, na umano’y magre-report ng insidente at kailangan ng police report.

Nang tanungin ng mga pulis ang escort na sundalo kung ano ang dahilan ng kanyang pagsama sa mga dayuhan, naglabas ng ID ang suspek para igiit na miyembro siya ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at Military Intelligence Group (MIG).

Pero nang i-verify ng mga pulis ang ID ng lalaki, natuklasan na peke ang mga ito. Nang lumaon ang interrogation, umamin din ang suspek na impostor siya dahil hindi siya militar.

Matapos posasan, dinala ng mga tauhan ng Tambo Police Sub-Station sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Paranaque Police ang suspek para sampahan ng mga kaso.

“I urge the public to be vigilant and be wary of individuals posing themselves as members of law enforcement agencies or any government office,” sabi ni Mariano.

AUTHOR PROFILE