Bong Go

Ika-159 Malasakit Center binuksan sa Bislig City

September 16, 2023 People's Tonight 193 views

Bong GoPersonal na dumalo si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, sa paglulunsad ng ika-159 Malasakit Center ng bansa sa Bislig District Hospital sa Bislig City, Surigao del Sur noong Biyernes.

Tinaguriang “Ama ng Malasakit”, ang programang Malasakit Centers, ay brainchild ni Go na layong bigyan ng maayos at mabilis na proseso ang mahihirap na pasyente sa mga tulong-medikal mula sa gobyerno.

Ito ay ideyang isinilang mula sa pagmamalasakit ng senador sa kapakanan ng mga pinakamahihirap na Pilipino na madalas nahihirapang makakuha ng mga medikal na pangangailangan.

Ang bagong bukas na Malasakit Center sa Bislig District Hospital, sa ilalim ng distrito ni Rep. Johnny Pimentel, ay ang ika-7 Malasakit Center sa Caraga Region at ika-40 sa Mindanao.

“As chairman ng committee on health, priority ko talaga itong Malasakit Center para mayroon kayong nalalapitan sa inyong pagpapaospital. Nandito na ang apat na ahensya ng gobyerno, ang PhilHealth, PCSO, DOH, DSWD na tutulong sa inyong pagpapagamot. Lapitan niyo ang Malasakit Center. Para yan sa Pilipino, pagmamay-ari niyo ‘yang Malasakit Center. Para yan sa inyo,” paliwanag ni Go, principal author at sponsor ng Malasakit Centers Act of 2019.

“Isa lang po ang pakiusap ko, gamitin niyo po (ang pondo) sa mga mahihirap. Ubusin niyo po ang pera ng gobyerno para sa mga mahihirap. Sabi ko, bakit natin pahirapan ang Pilipino? Sa totoo lang po (ay) pera ninyo yan. Dapat po ibalik sa inyo sa mabilis na paraan. ‘Yan po ang Malasakit Center,” aniya pa.

Sa Malasakit Center, ang mga pasyente ay maaaring humingi ng tulong para sa kanilang medikal na bayarin, mga bayarin sa laboratoryo, at iba pang kaugnay na gastos nang hindi na naaabala sa walang katapusang papeles.

Sa paglulunsad, nagpahayag ng pasasalamat si Go sa mga lokal na opisyal, kabilang sina Congressman Pimentel ng Second District, Governor Alexander Pimentel, Mayor Florencio Garay, at Vice Mayor Atty. Alfredo Carmelo, gayundin sa mga medikal na kawani, at mga kasosyong ahensya kaya naging posible ang pagpapalawak ng programa.

Sa kasalukuyan, ayon sa Department of Health (DOH) ay nakatulong na sa mahigit 7 milyong Pilipino ang Malasakit Center sa buong bansa.

“Hindi po ako titigil po sa mga programang makabubuti po sa ating mga kababayan, ipagpapatuloy ko po ang aking mga nasimulan,” ayon kay Go.

AUTHOR PROFILE