Default Thumbnail

Huwag natin sayangin ang pera,oras at pawis na ginugol

February 27, 2022 Vic Reyes 349 views

Vic ReyesPATULOY na ang pagbaba ng bilang ng mga kababayan nating nagkakasakit ng nakamamatay na COVID-l9.

Huwag naman sana natin sayangin ang pera, oras at pawis na ginugol para makontrol ng pamahalaan ang pagkalat ng virus na nagmula sa China.

Wala naman sigurong masama kung lagi tayong susunod sa mga safety protocol na ipinapatupad ng mga otoridad.

Huwag tayong pasaway dahil hindi biro ang tamaan ng COVID-l9.

Hindi puwedeng bumalik tayo sa mga lockdown dahil wala ng pera ang gobyerno para gamiting pang-ayuda sa mamamayan.

Kaya lagi tayong magsuot ng maskara, sumunod sa physical distancing policy at regular na maghugas ng kamay.

Napakadaling sumunod sa mga health protocol na ipinapatupad ng gobyerno.

Ang mahirap kasi, baka ang katigasan ng ulo natin ang maging daan para mapahamak tayo o isa sa mga mahal natin sa buhay.

Huwag natin kalimutan na laging nasa huli ang pagsisisi.

At magpabakuna na tayo!

***

Dapat maging tuloy-tuloy ang pag-unlad ng Maynila.

Maraming programa ang nakalatag para mapadali ang pagbangon ng ekonomiya ng pangunahing syudad ng bansa.

Mangyayari lang ito kung mananalong alkalde si Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan.

Alam na ni Ma’am Honey ang mechanics ng mga programang nakalatag sa Syudad ng Maynila.

Dahil pinag-aralang mabuti, ang mga programang ito ay kailangan na lang ipatupad ng mahusay.

Magagawa ito ni Honey kung papalarin siya sa darating na Mayo 9.

Kung iba ang mamumuno sa Maynila, kakailanganin pa niyang bumalangkas ng mga bagong programa para sa kanyang administrasyon.

Matatagalan ito dahil dadaan pa nga sa diskusyon ang mga ilalatag na programa.

Kaya mas mainam na si VM Lacuna-Pangan na lang ang maging kapalit ni Mayor Isko Moreno.

Nakasisiguro ang mga taga-Maynila ng totoo at tapat na serbisyo.

Tama ba, mga kababayan nating taga-Maynila?

***

Marami ang natutuwa sa ginagawa ng gobyerno na pagluluwag ng mga restriction.

Masaya ang mga botante, lalo na sa kanayunan.

Malaya na kasi silang nakapupunta sa bahay ng mga kandidato para humingi ng kung anu-anong tulong.

Hindi naman kaila sa atin na may mga kababayan tayong sinasamantala ang panahon ng kampanya upang manghingi sa mga pulitiko.

Nandyan ang mga nanghihingi ng pambili ng gamot, bigas at pambayad sa kuryente o tubig.

Pabor ito sa mga mayayamang kandidato pero malungkot para sa mga mahihirap na kandidato.

Wala man lang silang maibigay na panggasolina ng mga naka-motor o naka-tricycle na botante.

Iba na ang pangangampanya sa bansa.

Sa totoo lang, mahirap mahuli ang mga nagbebenta at namimili ng boto.

Walang aamin na nagbebenta o namimili ng boto

Kaya ang siste, tuloy ang ligaya ng mga Pinoy.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE