Default Thumbnail

Holdup suspect patay sa barilan sa Malate

June 14, 2022 Jonjon Reyes 724 views

HINDI na umabot ng buhay sa Ospital ng Maynila ang isang hindi pa nakikilalang lalaki, makaraang maka-engkuwentro ng mga tauhan ng Tactical Motorcycle Unit (TMRU) ng Manila Police District (MPD)-Malate Police Station 9 sa panulukan ng Taft Avenue at Castro St. sa Malate, Maynila, Lunes ng gabi.

Batay sa ulat ni P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng MPD-Homicide Section na isinumiti kay P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco, district director ng MPD, pasado alas-10:22 ng gabi nang maganap ang engkuwentro sa naturang lugar.

Bago pa man naganap ang engkuwentro, isang residente ng Camachili St., Malate , ang nagreport sa barangay hall sa Bgy. 726 Zone 78 na diumano’y tinutukan ito ng baril at naholdap sa Leon Guinto St. sa panulukan ng Aragon St. sa Malate.

Agad namang nagtungo ang mga tanod sa pamumuno ni Bgy. Ex-O Edgar Pangan sa himpilan ng pulisya ukol sa reklamong natanggap.

Agad naman inatasan ni P/Lt. Col. Rodel Borbe, commander ng MPD Malate Police Station 9 ang kanyang mga kapulisan na magsagawa ng follow-up operation at Nakita ang naglalakad na suspek batay sa diskripsyon ng biktima.

Naka-muscle shirt ang nasabing holdaper, naka-backpack at chest bag, at armado ng kalibre 38 pistola.

Sinubukan pa umanong patigilin ng mga pulis ang suspek at sumunod sa kanila pero imbes na sumuko ay pinaputukan sila kaya nang gumanti ng putok ang mga pulis ay tinamaan ang suspek at agad nila itong isinakay sa mobile car para dalhin sa pagamutan.

Dakong 10:45 ng gabi nang ideklarang “dead on arrival” ang suspek.

AUTHOR PROFILE