
Hinala ng netizens itinuwid ni Sharon
Sinagot ni Sharon Cuneta ang hinala ng netizens na nasobrahan siya sa pagpapapayat kaya siya nagkasakit.
Matatandaang ikinuwento ng Megastar sa kanyang social media accounts ang pagkakasakit niya noong April 7, kaarawan ng anak niyang si KC Concepcion.
Aniya ay sinorpresa niya si KC at pumunta siya sa birthday celebration nito na ginanap sa isang resort pero pagdating doon ay nagdududuwal siya nang nagdududuwal.
“Kaya di na po ako nakakain sa birthday dinner nya kundi nakahiga na lang po ako sa room naming dalawa. Tuloy pa rin po ang duwal,” sey ni Mega.
Nagpa-blood test daw siya pag-uwi sa Manila at normal naman lahat ang resulta.
Isang netizen ang nagtanong sa comment section. Aniya, “over-diet?”
Sinagot ito ni Sharon na huwag naman sana at nangakong kakain na.
“Sana po di naman. Kakain na po!” aniya.
Actually ay naiintriga nga ang lahat sa malaking nabawas sa timbang ni Sharon.
Kung ano-anong ispekulasyon ang lumalabas at maging siya ay aminadong napakaraming nagtatanong sa kanya kung paano siya pumayat ng ganito.
Ang lagi namang sinasabi ni Mega ay talagang diet lang for nine years ang kanyang ginawa at wala nang iba pa.
May nagtanong nga sa kanya one time sa isang post kung nag-take ba siya ng Ozempic kaya siya pumayat at sinagot naman niya ito.
“Not Ozempic. Heard it makes you look old,” aniya.
May isa pang nagtanong ng “surgery?”
Sagot naman ng Megastar, “You can have all the surgery you want but nothing is gonna work unless you change your eating habits.”