
Herlene, tuloy ang laban sa beauty pageant
Humingi agad ng dispensa si Herlene Budol sa mga taong na-disappoint sa kanyang naging sagot sa Q&A sa sashing ceremony at press presentation ng Miss Grand Philippines 2023 kamakailan.
Inulan ng katakut-takot na batikos si Herlene sa kanyang sagot at sinabihang nakakahiya ang kanyang ginawa.
Inakusahan din siyang nilaro o “dinog-show” lang ang pageant.
Ang simula ng sagot ni Herlene ay ito: “Thank you for that looong question for me… chariz… I have a big followers because I have a big heart… O English ‘yon, ha? Nakapag-compose po ako kaagad. Ano nga uli ‘yung tanong?”
Inulit naman ang tanong at dito ay seryoso nang sumagot si Herlene. Just the same ay hindi pa rin nagustuhan ng tao ang pagpapatawa niya at ang pabakla niyang mga salita.
Sa kanyang Facebook page, ipinaliwanag ni Hipon Girl na hindi niya na-gets ang tanong dahil sa nerbyos.
“Sa sobrang kaba ko po Hindi kopo naexplain yung kung Anong gusto kopong sabihin sorry I admit di po ako magaling Sa lahat ng bagay and sorry kung nawalan po kayo sakin ng kumpyansa Sa isang pag kakamali I’ll try my best to make you proud. Hindi ko po nilaro diko lang po talaga na gets yung tanong and I accept it.
“Hindi po ako perpekto. Thank you for those people na naniniwala padin po saakin,” ang pahayag ni Herlene.
Bukod dito ay nag-live rin ang beauty queen sa FB at muli ay humingi ng paumanhin. Tuloy pa rin naman daw ang laban niya sa Miss Grand Philippines.