Bong

‘Healthcare accessibility para sa lahat mahalaga’

February 25, 2024 People's Journal 124 views

PERSONAL na dumalo si Senator Christopher “Bong” Go sa ika-41 founding anniversary ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City noong Biyernes at pinasalamatan ang pamunuan at mga tauhan nito sa apat na dekadang paglilingkod sa bayan.

Chairperson ng Senate committee on health and demography, binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng NKTI sa pagtataguyod ng kalusugan at pagliligtas ng buhay ng mga Pilipino.

“As the National Kidney and Transplant Institute celebrates its 41st Founding Anniversary with the theme “Pagsiklab o Patuloy ang Gabay at Suporta sa Bawat Indibidwal Tungo sa Kasarinlang Larangan at Adbokasiya sa Bato” we are reminded of the crucial role this center plays in our healthcare system,” sabi ni Go.

Itinampok ni Go sa okasyon ang mahalagang papel ng NKTI bilang isa sa mga pangunahing pasilidad sa kalusugan sa bansa.

Sa pagpasa ng RA 11959 o ang Regional Specialty Centers Act, bilang pangunahing isponsor at isa sa may-akda nito sa Senado, sinabi ni Go na ang kadalubhasaan ng NKTI ay magiging instrumento sa pagtatayo ng iba pang specialty center sa buong bansa na may katulad na espesyalidad.

Iniaatas ng RA11969 ang pagtatatag ng mga Regional Specialty Centers sa lahat ng DOH Regional Hospital upang mailapit ang espesyal na pangangalagang medikal sa mga komunidad.

Pinuri ni Go ang pambihirang pagsisikap at dedikasyon ng mga kawani ng NKTI, mula sa mga doktor, nars hanggang sa utility workers na tumitiyak na maayos ang operasyon ng ospital.

Aniya, ang kanilang walang pagod na serbisyo at dedikasyon sa healthcare services ay instrumento sa pagtataguyod ng reputasyon ng NKTI bilang isang pangunahing medical facility sa bansa.

“Kayo po ang hero ng pandemya. Kayo po ang nagsakripisyo para maisalba ang buhay ng mga may sakit. Hindi natin mararating itong kinaroroonan natin kung hindi po dahil sa inyong sakripisyo,” ayon sa senador.

Si Go rin ang may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11712, na nagbibigay ng mga benepisyo at allowance sa healthcare workers sa gitna ng mga pampublikong krisis sa kalusugan tulad ng pandemya ng COVID-19.

Kaugnay nito, patuloy na hinihimok ni Go ang mga concerned agencies na ibigay ang natitirang health emergency allowances (HEA) para sa mga kwalipikadong healthcare professional.

Ang okasyon ay dinaluhan din nina NKTI Executive Director Dr. Rose Marie Rosete–Liquete, Deputy Executive Director ng Medical Services Dr. Romina Danguilan, Deputy Executive Director ng Hospital Support Services Ms. Maribel Estrella, Deputy Executive Director ng Nursing Services Dr. Nerissa Gerial, Acting Deputy Executive Director of Education, Training And Research Dr. Consesa C. Casasola, Malasakit Center Head Redis Basada, Dr. Jade Jamias, at Dr. Rene Bautista, at iba pa.

AUTHOR PROFILE