
Growth Mindset dapat
NOON nakaraang buwan sinabi ko sa Iloilo na hindi gaganda ng kusa ang kalidad ng edukasyon kung iaasa lang natin ito sa suwerte. Inulit ko rin ang aking sinabi noon 2013 na para anihin ang matamis na bunga ng MTBMLE sa K-12 law o RA 10533, tatlong hakbang ang dapat mangyari at isa rito ang pagpapalit ng “mindset” o katipunan ng mga palagay sa kaisipan tulad ng tanda raw ng karunungan ang pagiging matatas sa English.
Ayon kay Carol Dweck, isang sikologo ng Stanford, ang iyong mindset o katipunan ng mga palagay sa isip, ay isang hanay ng mga paniniwala na humuhubog kung paano mo iniintindi ang mundo at ang iyong sarili. Nakakaimpluwensya ito sa iyong pagsusuri at pagpapasya, pakiramdam, at pag-uugali sa anumang partikular na sitwasyon na nakakaapekto sa iyong tagumpay o kabiguan.
Ayon kay Dweck, mayroong dalawang pangunahing “ mindset”: “fixed” at “ growth”. Kung mayroon kang nakapirming pag-iisip( fixed mindset), naniniwala kang ang iyong mga kakayahan ay nakapirmi at hindi na mababago pa. Maaari ka ring maniwala na ang iyong talento at katalinuhan lamang ang naghahatid ng tagumpay, at hindi kailangan ng pagsisikap.
Sa kabilang banda, kung mayroon kang pag-iisip ng paglago (growth mindset), naniniwala ka na ang iyong mga talento at kakayahan ay maaari pang paunlarin sa paglipas ng panahon sa pamamagitan ng pagsisikap at pagtitiyaga. Ang mga taong may ganitong pag-iisip ay hindi naniniwala na ang lahat ay maaaring maging Einstein o Mozart. Gayunpaman, naniniwala sila na ang lahat ay maaaring maging mas matalino o mas huhusay kung gagawin nila ito.
Sinabi ni Dweck na dalawa ang pangunahing pinagmumulan ng katipunan ng mga palagay ng pag-iisip: pagpuri at pagbabansag, na parehong nagaganap habang bata pa ang isang tao.
Sa isang mahalagang eksperimento, nalaman ni Dweck at mga kasama, na ibang-iba ang ugali ng mga bata depende sa uri ng papuri na kanilang natanggap. Ang personal na papuri, o pagpuri sa mga talento ng isang bata o paglalagay sa kanila bilang matalino o mapurol ang ulo ay nagtataguyod ng isang nakapirming pag-iisip. Ang mensahe sa isang bata ay ito: masuwerte o malas siya sa kanyang taglay na kakayahan, at wala siyang magagawa para baguhin pa ito.
Ang papuri sa proseso ay binibigyang-diin ang pagsisikap na ginagawa ng isang bata upang matapos ang isang gawain. Ang kanyang tagumpay ay mula sa pagsisikap at diskarte na ginamit, na pareho nilang makokontrol at mapapabuti pa.
Narito ang isang halimbawa kung paano sila naiiba. Kung ang iyong anak ay nakakuha ng magandang marka sa pagsusulit sa matematika, ang personal na papuri ay maaaring, “Ang talino mo talaga anak.” Ang papuri sa proseso, sa kabilang banda, ay maaaring ganito: “Hinahangaan ko kung gaano ka nagsunog ng kilay para sa iyong pagsusulit sa matematika. Binasa mo ang materyal nang ilang beses, hiniling sa iyong guro na tulungan kang malaman ang mga nakakalito na problema, at sinubukan mo ang iyong sarili dito. Talagang gumana iyon!”
Ang pagbabansag, ay paglalagay sa bata sa mga “stereotype” o mga asosasyon sa iba’t ibang grupo, at maaari ding humantong ito sa pagbuo ng fixed o growth mindset. Ang stereotype na ang mga babae ay hindi magaling sa matematika o ang mga lalaki ay hindi magaling sa pagbabasa ay maaaring bumuo ng isang nakapirming pag-iisip tungkol sa kanilang sariling mga kakayahan sa mga partikular na gawaing iyon. Ang stereotype na walang basehan na nagsasabing matalino ang batang Pilipino na matatas mag-English ay nagbubuo ng fixed mindset.
Sa “Mindset: The New Psychology of Success,” isinulat ni Dweck na ang batang may fixed mindset ay ay patuloy na naghahanap ng pagpakakataon upang ipamalas ang kanilang talento at iniiwas ang sarili sa mga sitwasyon malamang na mabibigo,magmumukhang bobo o matatalo sila. Samantala,ang batang may growth mindset ay mas malamang na humarap sa mga hamon ng buhay at imbes na maghagis ng puting tuwalya, tinuturing nilang pagkakataon ito upang matuto at lumago. Sa kabilang banda, ang may fixed mindset ay mas malamang na sumuko o mag-ayaw sa mga hamon sa paaralan, sa trabaho at sa buhay.
Sa pamamagitan ng pagtutok sa proseso sa halip na sa kinalabasan, at pag-iwas sa pagbabansag ay makakatulong na maunawaan ng mga bata na ang kanilang mga pagsisikap, sakripisyo, at dedikasyon ang maaaring maghatid sa pag-unlad, pagbabago at paglago nila ngayon at sa hinaharap.