Default Thumbnail

KUDOS KAY PASAY CITY POLICE CHIEF, COL. FROILAN UY

March 11, 2023 Marlon Purification 677 views

Marlon PurificationNA-MEET na natin nang personal ang hepe ng Pasay City Police na si Col. Froilan Uy!

Napaka-low profile ng mamang ito at halata mo sa kanya ang isang mabait na tao.

Sa maikling pag-uusap namin, sinabi nitong desidido siyang linisin ang hanay ng buong Pasay PNP at pababain ang insidente ng krimen sa lungsod.

Base iyan sa direktiba sa kanya nina NCRPO chief Maj. Gen. Edgar Allan Okubo, Southern Police District (SPD) chief Brig. Gen. Kirby Kraft at siyempre alinsunod ito sa mga tagubilin ng Pangulong Bongbong Marcos kay PNP chief Gen. Jun Azurin.

Iyon din umano ang pakiusap sa kanya ni Mayor Emi Calixto-Urbiano na buo ang tiwala ng pamahalaang lungsod sa kanilang lokal na pulisya sa ilalim ng pamamalakad ni Col. Uy.

Kaya naman sa loob halos ng isang buwang panunungkulan nito bilang chief of police ng Pasay, ramdam agad ang mga pagbabago. Ilan sa mga ito ay ang pag-aresto sa mga drug pushers sa lungsod at kapansin-pansin din ang pagpapaigting ng police visibility.

Base sa natatanggap nating impormasyon, wala ring humpay ang ginagawang pakikipag-ugnayan ni Col. Uy sa mga barangay officials sa lungsod.

Ang Pasay City na may dalawang district ay binubuo ng 201 barangay at 20 sona.

Tulad ng karamihan, naniniwala tayong epektibong ‘formula’ ang pakikipag-ugnayan sa mga barangay upang mabatid ang pangangailangang seguridad sa bawat lugar.

Kaya lang, sa kabila ng pagpupursigi ni Col. Uy na mabawasan ang krimen sa kanyang lungsod, paminsan-minsan ay napalulusutan din siya ng ilang mga dorobong indibiduwal na nambibiktima sa kanyang nasasakupan.

Tulad na lang itong mga insidente ng snatching na naganap sa kahabaan ng Roxas Boulevard, kung saan ay ilang turista ang nabibiktima.

Nitong nakalipas na Huwebes, dalawang magkakasunod na insidente ng snatching ang naganap kung saan ay sakay ng motorsiklo ang mga suspect.

Naplakahan ng ilang saksi ang naturang motorsiklo na may numero 0401953123.

Kung hindi ako nagkakamali ay sakop ng Pasay City Police Sub-station 1 ang lugar na pinangyarihan sa ilalim ng pamumuno ni Police Captain John Paul Abangan na lalong kilala sa tawag na JP.

Malawak ang nasasakupan ni Capt. Abangan kaya malaking ‘challenge’ sa kanya na mapanatili ang kaayusan sa 37 barangays na nasa ilalim ng kanyang ‘jurisdiction,’ kabilang na rito ang ilang ‘red light areas’ at ang PICC.

Pero dapat siguro ay lalo pang maging seryoso sa kanyang pamumuno si Capt. Abangan.

Hindi ko na sasabihin Boss Capt. JP na ilan sa pulis mo ay abala sa pagsita sa mga high-end na sasakyan na ang sakay ay mga Chinese ng POGO para lamang hanapan sila ng dokumento mula sa Bureau of Immigration.

At kapag walang naipakita ay tiyak, ‘oscar’ o pera na ang katapat!

May oras pa naman, Capt. Abangan para bumawi sa ‘accomplishment,’ kesa naman magalit sayo nang tuluyan si Col. Uy o Gen. Kraft na mismo!

Tanggapin mo sana ang artikulong ito bilang ‘constructive criticism,’ at hindi ‘destructive.’

Samantala, i-call na rin natin ang attention ni Col. Uy.

Boss, may report na isang vendor na nangangalang Maritess Jumawan ng 197 GG Cruz Street, Baclaran, Paranaque City ang nagsampa ng reklamo laban kina Major Sonny Longboy, Tenyente Alexander Macarunay, Police Officers Socrates Tuzon at Walid Javier.

Ang reklamo ay inihain sa Pasay City Prosecutors Office na may NPS Docket No. XV-13-INV-23-C 00374 at tinanggap ni Assistant City Prosecutor Clarence Espanol bilang administering officer.

Hindi ko sinasabing ‘guilty’ agad ang grupo nina Major Longboy, pero bilang ‘standard operating procedure,’ mabuti po sigurong ‘preventive suspension’ muna para sa kanila upang maiwasan silang makaimpluwensiya sa kasong isinampa at para makapaghanda rin sila ng kanilang pormal na sagot at tugon.

Sa ganitong paraan ay magiging ‘patas’ ang laban!

Muli, good luck, Col. Froilan Uy, Sir, and see you around, Boss!