Building

GOV’T BUILDINGS PASASABUGIN

February 12, 2024 Melnie Ragasa-limena 83 views

‘Japanese national’ nagbanta

Mga estudyante sa Bataan pinauwi

TAKOT na takot ang mga Bataeños nang kumalat nitong Lunes ng umaga ang banta na pasasabugin umano ang mga government facilities sa bansa. Walong ahensiya ng pamahalaan sa Quezon City ay nakatanggap din ng ganitong bomb threat.

Building
Dalawang mobile patrol ng pulisya ang naka-standby sa harap ng Bataan Capitol building matapos mapabalita ang bomb threat nitong Lunes. Kuha ni CHRISTIAN D. SUPNAD

Dahil sa banta ng pagsabog umano ay agarang pinauwi ng mga guro ang kanilang mga estudyante sa Bataan sa pangamba na sila ay madamay.

Nag-email pa sa bataan@deped ang nagbabanta kung kaya’t lalong natakot ang mga guro at estudyante.

Sinabi ni Col. Palmer Tria, director ng Philippine National Police (PNP) Provincial Office sa Bataan, na ipinarating na niya ang napabalitang banta kay Bataan Governor Joet S. Garcia.

“We are still assessing and monitoring as of this time the reported bomb threat,” sabi ni Tria.

“We are still assessing the circulated bomb threat,” dagdag pa nito, para malaman umano kung ito ay totoo.

Sinabi rin ni General Benjamin Silo, ang chief ng Civil Security Group, na alam na ng Explosive and Ordnance Division ang bantang pagbomba at kanilang iniimbestigahan ito.

Sa isang screen grab ng mensaheng pinadadala online, makikitang ang bomb threat ay galing diumano sa isang Japanese lawyer na nagpakilalangTakahiro Karasawa ng Steadiness Law Office na may telephone number na +81-3-6435-8073.

Tinawagan ng writer na ito ang nasabing number na nasa Japan pero answering machine lamang sa wikang Niponggo ang sumasagot.

“I sent a high-performance bombs in major Philippine facilities. Those bombs will explode approximately at 3:34pm this February 12,” sinabi ni Karasawa.

“It is time, all human beings, to reclaim your freedom,” dagdag pa nito.

Sa Ilocos Norte, sinabi naman ni Col. Fred Obar, ang bagong Police Provincial Office director nito, at pati ni Col. Julius Suriben, ang chief of staff ng Calabarzon Police Regional Office, na wala silang natatanggap na ganitong ulat.

Gayunpaman, sinabi ni Obar na mananatili silang mapagbantay sa mga ganitong banta.

Samantala, nakatanggap din ng bomb threat ang walong ahensiya ng pamahalaan sa Quezon City nitong Lunes ng umaga, kabilang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine Information Agency (PIA).

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), alas-11:03 ng umaga nang magkasunod na makatanggap ng bomb threat sa pamamagitan ng email ang mga empleyado ng DENR, PIA, Vertis Mall, Department of Agriculture (DA), Social Security System (SSS), Commission on Audit (COA), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Environmental Management Bureau ng DENR-National Capital Region.

Agad ding nagresponde ang Quezon City Police District (QCPD) Project 6-Police Station 15 Explosive Ordnance Disposal (EOD) upang siyasatin ang sinasabing bomba.

Sinuyod ng BFP at QCPD Bomb Squad ang lugar subalit walang nakitang anumang uri ng bomba sa loob at labas ng tanggapan ng mga nasabing ahensiya.

Nabatid na mabilis na pinalabas ng gusali ang mga empleyado ng DENR at kinalaunan ay tuluyan nang pinauwi ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga ang mga ito.

Hiniling naman ni Atty. Julius de Peralta, ang Admin Division chief ng PIA, sa mga operatiba na magsagawa ng patuloy na pagmo-monitor at agad silang balikan kung may makuhang bagay na kahina-hinala.

Aniya, kanila ring inatasan ang mga security guard ng ahensiya na magsagawa ng pagbusisi sa loob at labas ng tanggapan ng PIA upang matiyak ang kaligtasan ng gusali.

Hindi naman sinuspinde ang operasyon o walang pinauwi sa mga empleyado ng PIA.

Ayon kay PSMS Albert Calano, ang team lider ng EOD K9 unit ng QCPD, ang nagpakilalang Karasawa ang siya ring nagpadala ng mensahe ng bomb threat sa pamamagitan ng email.

Sa pamamagitan umano ng tinatawag na spyware ay naipakalat ng suspek ang kanyang mensahe sa mga nasabing tanggapan ng pamahalaan.

Noong Setyembre ng nakaraang taon ay nagpadala rin ng bomb threat sa pamamagitan ng email ang nasabing prankster sa tanggapan ng Metro Rail Transit line 3 o MRT-3. Kasama si CHRISTIAN D. SUPNAD