SMNI BINIRA
Pagbawi ng prangkisa itinutulak ng kongresista
KINONDENA ng isang kongresista ang Sonshine Media Network International (SMNI) na nag-ooperate sa ilalim ng prangkisa na ibinigay sa Swara Sug Media Corp., dahil sa patuloy umano nitong pagkakalat ng fake news at red-tagging kahit sinuspindi na ang operasyon nito.
Itinulak ni 1-Rider Party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez ang pag-apruba ng House committee on legislative franchises sa House Bill 9710 na bumabawi sa prangkisa na ibinigay ng Kongreso sa Swara Sug, ang legal name ng SMNI.
Sa mga naunang pagdinig ng komite, sinabi ni Gutierrez na napatunayan ng komite ang mga paglabag ng SMNI sa termino ng prangkisa nito, gaya ng pagkakalat ng fake news, red-tagging, at pagkabigo na pasabihan ang Kongreso na iba na ang may-ari ng controlling stocks nito at pag-aalok ng hindi bababa sa 30 porsyento ng shares nito sa publiko.
Sa nakaraang pagdinig, sinabi ni Gutierrez na ipinagpapatuloy ng SMNI ang pagkakalat umano ng fake news at red-tagging gamit ang YouTube channel nito, kahit sinuspindi na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang free-air broadcast nito.
“That is the problem here, the way by which Swara Sug goes about their business. It really shows impunity, perhaps? Culture of impunity, culture of walang pakialam (disregard). Anything goes,” ani Gutierrez.
Sinabi ni Gutierrez na mistulang binabalewala ng SMNI ang suspensyong iginawad dito.
“They [feel] they have no more obligations because they are not on-air. They are focusing on YouTube but yet they still go about doing the same things,” giit ni Gutierrez.
Matatandaan na sinuspindi ng NTC ang operasyon ng SMNI ng 30 araw. Sa kabila nito ay umere pa rin ang SMNI sa free-air broadcast kaya pinatawan ito ng indefinite suspension ng NTC.
Kinilala ng NTC ang desisyon ng Kamara de Representantes na pagtibayin ang House Resolution No. 189 na nananawagan na suspendihin ang SMNI.