Default Thumbnail

GMRC sa gustong magpulis

May 29, 2023 Allan L. Encarnacion 227 views

Allan EncarnacionANG palagiang pagkakasangkot ng tiwaling pulis sa mga high crimes tulad ng drug trafficking ay pagpapatunay na hindi talaga suweldo ang problema.

Iyon kasing P28,000 na suweldo kada buwan para sa isang bagitong pulis ay sapat na kung istriktong pera ang pag-uusapan. Kung iyong dating P14,000 basic sa mga bagong pulis ay naging P28,000, sino ka pa para hindi sumaya sa karagdagang P14,000?

PO1 or sarhento sa unang baytang pa lang ang sinasabi rito. Paano pa kaya ang P02 pataaas? Tiyak na hindi bababa sa P40,000 hanggang P120K ang isang tenyente or kapitan or major or kernel hanggang heneral?

Nang doblehin ni dating Pangulong Duterte ang suweldo sa AFP at PNP, ang naging timbangan ay ang palagiang pagkasabit ng ibang pulis sa mga katiwalian. Pero anim na taon matapos ang dobladong sahod, bumabalik lagi tayo sa usapin ng katiwalian ng ibang parak na walang kabusugan.

Ang ibig saibihin, hindi lang talaga sahod ang problema, ang mismong pagkatao na ng ibang nagiging pulis ang unang kuwestiyon dito. Noong araw, ang biruan, kaya gustong maging pulis, gusto lang nilang magkaroon ng stainless owner-type jeep. Pero kalaunan, hindi na nakuntento sa jeep.

Ang ibang pulis, mula sa owner type-jeep ay gusto nang maging kolektor sa illegal gambling at mga drug den. Sa dami ng nakukulektang intelihensiya, kalaunan, ayaw nang maging kolektor, gusto na nilang maging gambling lord at drug lord. Kapag binusisi talaga ni PNP Chief Director-General Benjamin Acorda, madidisikubre niya na ang problema ng ating mga street crimes ay sanhi rin ng illegal drugs na ang protektor at trafficker ay mga tiwaling pulis na walang kasiyahan sa kanilang kinikita.

Parang noong dekada 90, iyong mga pulis na kolektor sa mga prostitution den at mga beerhouse ay kalaunan sila na rin ang naging may-ari. Naging kakumpentensiya na sila ng mga club owners na kinokotongan nila at kapag minalas-malas, pinare-raid pa ang kanilang mga kalaban sa negosyo.

Ang problema, iyong tiwaling pulis ay patuloy na dumarami dahil ang isyu na nga talaga ay nasa karakter ng mga gustong magpulis. Mula sa libreng pansit, crispy pata at beer sa mga beerhouse, gusto nang sagpangin ng mga tiwali ang lahat ng pagkakataon habang sila’y mga awtoridad kaya iyong iba pumapasok sa droga.

Tama si Senador Bong Revilla, kapag karaniwang tao ang naging kriminal, hindi madaling makagawa ng krimen at hindi rin sila madaling makapagdala ng armas.

Tanong nga ni Bong, pero paano kapag ang pulis na ang naging kriminal? May tsapa sila, may uniporme at may armas! Lahat ng kapangyarihan ay nasa kanila at patuloy nilang nagagawa ang mga krimen gamit ang pagkukubli sa pagiging awtoridad.

Palaging nating isinusulong ang pagbabalik ng GMRC (Good Manners and Right Conduct) sa elementarya at sekondarya. Pero mukhang mas kailangan natin ang GMRC sa mga kursong kumukuha ng criminology, sa PNPA at sa PMA dahil sa nagiging produkto ng mga institusyong ito.Marami naman silang matitinong produkto pero natatabunan ng mga bugok dahill sila lagi ang nasa mga balita.

Sa nakikita nating coverup at pagsisinungaling ng ibang pulis sa Senate at Congressional probe kaugnay ng isang toneladang shabu or P6.7 billion drugs na nakumpiska sa isang sarhento, talagang malaki ang ating problema.

Kailangan nating bumalik sa basic, doon pa lang sa edukasyon ng mga gustong magpulis hanggang sa recruitment ay dapat sigurong mag-recalibrate na ang gobyerno. Baguhin ang proseso ng edukasyon nila, ng training at ng recruitment.

Dapat tayong makapag-produce ng mga bagong dugo sa pulis na nasa puso ang paglilingkod at patriotismo para mahawa nila ang mga daratnan nilang parak na mas senior sa kanila.

Inuulit natin, mas marami ang matinong parak pero lumulutang ang mga bugok dahil sa laki ng pinsala na kaya nilang gawin sa bayan.

Pabaitin natin sila habang nag-aaral pa lang baka sakaling magkaroon tayo ng bagong sibol na mabubuting parak sa tulong ng GMRC!

[email protected]