Allan

Glutha vs Sen Nancy

February 26, 2024 Allan L. Encarnacion 159 views

WALA itong kinalaman sa anumang diskriminasyon.

Usapin ito ng etiketa, diskusyon ito ng pag-iingat sa anumang bagay na iyong gagawin, lalo na sa loob ng ahensiya ng pamahalaan at may hinahawakan kang responsibilidad.

Naglabas ng pahayag si Senador Nancy Binay laban sa ginawang IV or glutha drip session ni Madame Mariel Padilla habang nasa opisina ng kanyang mister na si Senador Robin Padilla.

Malinaw ang punto ni Madame Nancy, hindi pangkaraniwang tanggapan ang Senado at lalong hindi ito pasilidad para sa gamutan or anumang beauty regiment center.

Hindi lang basta nagsalita si Sen Nancy para kuwestiyunin ang ginawa ng aktres, siya ay naglatag ng argumento na nagbigay ng pundasyon sa kanyang mga sinabi. Ayon sa Senadora, hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA), lalo na ang Department of Health (DOH) ang proseso ng injectable glutha or kung anuman ang tawag ng mga beauty doctos dito.

Iyon ang malaking puntos dito na dapat maunawaan ng mag-asawa, hindi pulitikal na isyu ang kaliwa’t kanang pagbatikos ng publiko sa aktres. At wala itong kinalaman sa personal na pag-atake.

Mas angkop sabihin na bilang artista at bilang Senador ay isang responsibilidad.

Bilang isang aktres na sinusundan ng marami, hindi angkop na ipakitang ginagawa sa opisina ng Senado ang isang “beauty enhancement process na walang pagsang-ayon mula sa FDA at DOH. Iyon mismong ginawa ay hindi na tama, lalo na ang mistulang pag-endorso sa isang prosesong hindi lisensiyado sa loob pa mismo ahensiya ng gobyerno.

Mismong si Health Secretary Ted Herbosa ang kailan lang ay nagbabala sa paggamit or pagpapasailalim sa drip na ito matapos mamatay ang isang 39 years old na babae sa Quezon City na nagpa-inject ng glutha. Hindi kasi tutugma na katatapos lang maglabas ng babala ng pamahalaan laban sa ganitong medical na proseso tapos makikita ang misis ng senador na ginagawa ito sa mismong opisina pa ng senado.

Hindi dapat masamain nila Mariel at Robin ang pagpuna sa isyung ito. Sa halip na magkontra-batikos sila, mas mabuti pang humingi sila ng paumanhin sa publiko. Isa lang itong “lapse in judgement” sa parte nila at naniniwala tayong wala silang anumang masamang intensiyon.

Isa lang itong simpleng kaso ng kakulangan ng kaalaman at kawalan ng pag-iingat sa mga bagay na iyong ginagawa sa loob at labas ng pampublikong tanggapan.

[email protected]