
Global scientists at doctors nakiisa kay Sen. Robin sa pagsusulong ng legalisasyon ng medical cannabis
NAKA-SCORE ng suporta si Sen. Robin Padilla mula sa ilang scientists at doctors kaugnay ng matagal-tagal na niyang isinusulong na legalization ng medical cannabis o marijuana sa Pilipinas.
Ilang panahon na ring pinu-push ng aktor/politiko ang Senate Bill (SB) No. 2573 o ang Cannabis Medicalization Act of the Philippines kaso marami ang kontra rito.
Sa forum/mediacon na ginanap kamakailan sa Solaire, Paranaque, sinuportahan si Sen. Robin ng global cannabis experts na sina Dr. Shiksha Gallow at Wayne Gallow, na nagsabing ang medical cannabis ay nakatutulong sa pain management ng cancer at epilepsy patients.
Meron din umano itong iba pang mga benepisyo.
Sey ni Sen. Robin, “Sa matagal na panahon po, lagi po itong umaabot ng third reading sa House. Pero pagdating po sa Senate, hindi po ito tumatakbo. Siguro po dahil sa generation gap dahil matagal sa panahon na ‘yung mga nakaupo din sa ating Senado, sa atin pong mataas na Kapulungan ay medyo nakatatanda.”
“Ang mga nakaupo po ngayon na mga senador ay mas ka-edad po natin, mas naiintindihan na po nila kung ano ang benepisyo ng cannabis. Kaya po ngayon umabot na po kami sa interpellation,” obserbasyon niya.
Kwento niya, personal nang na-witness ang bisa ng medical cannabis sa mga taong may sakit nang minsang magpunta sa Israel at Prague. Ito raw ang numero unong ipinanggagamot doon sa matatandang pasyente ng cancer.
“When I went to Israel, I went to the lab (laboratory), they showed me the difference between recreational and medicinal cannabis. Kasi alam n’yo ‘yung recreational, kahit saan lang ‘yan. Pero iba po ang medical, malinis, lahat. In-explain po nila ‘yun. Pinakita nila kung ano ang hitsura ng lab nila o paano ginagawa ‘yung oil, malinis po talaga,” diin ng senador.
Iniikot din daw siya sa isang nursing home sa Israel kung saan ginagamit ang cannabis oil sa inaalagaang Israelis doon.
“So, bumalik ako dito, ikinuwento ko sa Senado. Medyo mayroon pa rin silang konting tanong. Pumunta naman ako ng Prague. Kasi magkaiba, eh. Bawat bansa, iba ang kanilang pamamaraan. Sa Prague, ang specialty nila is not oil. Capsule ang kanila. Pero same lang din,” aniya pa. “Ito na ang pinakamura at pinaka-epektibo na puwede pong i-subsidize ng gobyerno.”
Pagdating naman sa concern na baka maabuso ang paggamit ng medical marijuana, in-assure ni Sen. Robin na wala itong negatibong epekto sa kalusugan.
“Siyempre, na-experience natin ‘yung recreational noong araw pa. Hindi naman tayo nagsisinungaling, ano? That is why I’m the Bad Boy of Philippine Movies. We experienced everything.
Pero siyempre, iba ‘yung medical cannabis. We cannot compare medical cannabis to recreational marijuana. Malayong-malayo po,” paglilinaw niya.
Anyway, maliban kina Dr. Shiksha at Dr. Wayne, kasama ring humarap ni Sen. Robin sa katatapos na forum/mediacon sina Dr. Romeo Quijano at Dr. Angel Joaquin Gomez.