
Gene Hackman, misis at aso misteryoso ang pagkamatay
ANG Hollywood gem at Oscar-winner na si Gene Hackman (95), ang kanyang misis na si Betsy Arakawa (65, isang classical pianist at businesswoman) at isa sa kanilang tatlong aso ay hinihinalang may ilang oras o araw nang patay bago natagpuan ng isang maintenance worker sa kanilang tahanan sa Santa Fe, New Mexico, ayon sa mga imbestigador.
Natagpuan ang kanilang mga walang bunay na katawan noong Miyerkoles (Huwebes sa Pilipinas). Ayon sa sheriff’s office spokesperson na si Denise Avila, walang palatandaan na sila ay nabaril o may mga sugat na magsasabing nagkaroon ng foul play. Gayunman, ayon sa Santa Fe County Sheriff’s Office detectives sa kanilang search warrant, ang pagkamatay ng dalawa ay “kahina-hinala na nangangailangan ng masusing imbestigasyon.”
Nasa isang pintuan ang bangkay ni Hackman, samantalang ang kanyang asawang si Betsy ay nasa kanang bahagi ng bathroom.
Si Hackman ay kinikilalang isa sa pinakamahusay na aktor sa Hollywood ng 20th century. Lahat ng uri ng karakter ay kaya niyang gampanan nang mahusay, mula sa comic book villain na si Lex Luthor sa Superman hanggang sa isang simpleng coach na naghahanap ng redemption sa sentimental favorite na Hoosiers.
Five-time siyang Oscar nominee at nanalo siya bilang best actor in a leading role para The French Connection noong 1972 at best actor in a supporting role para sa Unforgiven makalipas ang dalawang dekada.
Ang kanyang kamatayan ay naganap apat na araw bago ang seremonya ng Oscars ngayong taong ito.
Bumuhos ang pakikiramay ng mga taga-Hollywood, una na ang direktor at aktor na si Clint Eastwood (94) na nakasama niya sa Unforgiven.
“There was no finer actor than Gene,” ayon kay Eastwood sa isang pahayag. “Intense and instinctive. Never a false note. He was also a dear friend whom I will miss very much.”