
Katherine nag-sorry kay Coco
Humingi ng tawad kay Coco Martin ang dating sexy star na si Katherine Luna sa kontrobersiyang nangyari sa kanila noon.
Hindi naman lingid sa showbiz ang kanilang nakaraan kung saan nga ay nabuntis si Katherine at sinasabing si Coco ang ama. That time ay hindi pa sikat ang aktor at pagawa-gawa pa lang ng independent films.
Pero sa paglipas ng panahon ay napatunayang hindi si Coco ang ama ng anak ni Katherine at dito nga lumutang ang isyung ipina-DNA ng aktor ang bata.
Sa panayam ni Julius Babao kay Katherine sa vlog nito, idinetalye ng dating sexy star ang naging relasyon nila ni Coco na nagsimula nang magkasama sila sa indie film na “Pagkagat ng Dilim.”
To cut the long story short, dumating ang time na nagkalamigan sila at may na-meet siyang isang guy at may nangyari sa kanila. Nagkita pa raw sila ulit ni Coco pagkatapos nu’n at ‘yun na ang huli nilang pagkikita.
After three months ay nalaman niyang buntis siya at si Coco lang daw talaga ang pumasok sa isip niya na posibleng ama although aminado siya na alanganin siya.
Sinabi niya kay Coco na buntis siya at ang sabi lang daw niya ay ‘baka ikaw’ ang ama. Cool lang naman daw ang aktor at bumili pa ito ng crib bago siya nanganak.
Nang ipanganak na niya si Nicole at hanggang sa lumalaki na ang baby, dito naramdaman ni Katherine na parang hindi si Coco ang ama.
“Siyempre, nanay ako, bilang nanay, makikita mo ‘yung mukha, eh. Parang hindi niya kamukha. Parang nag-iiba ‘yung mukha ni Nicole.
“Tapos nabuo sa isip ko na… du’n na ako naano na hindi, hindi siya ang ama. Ang hirap na lang bawiin, alam mo kung bakit? Unang-una, merong bata, eh. Anak ko kasi ‘yung pinag-uusapan, eh.
Ano ang mararamdaman niya?” kwento ni Katherine.
Time passed by at hindi na sila nagkita pa ni Coco.
“Pero ito, nililinaw ko, ha, nu’ng pagkapanganak ko, wala maski piso akong hininging pera. Hindi ako nanghingi sa kanya ng pera, hindi rin siya nagbigay ng pera. Maski piso, maski kusing, hindi.
Wala talaga,” aniya.
Hanggang sa may time na nahihiram daw ni Coco si Nicole at dito na nga ipina-DNA ng aktor ang bata. Hindi raw niya alam dahil ang Mama niya ang kausap nito.
“Tapos nagbigay daw ng pera si Coco kay Mama, du’n ako nagalit din kay Mama. Kaya kinuha ko sa kanya si Nicole. Kasi, unang-una sa lahat, ako nga, hindi ko ginawang way ‘yun para magkapera ako, eh. Pero kung tutuusin, kaya ko naman, eh. Kung walanghiya akong tao,” saad ng dating sexy actress.
Gusto raw sana niyang sabihin noon pa kay Coco na hindi nito anak si Nicole pero hindi niya alam kung paano sasabihin.
Sa huling bahagi ng video ay tinanong ni Julius si Katherine kung may mensahe ba siya kay Coco.
“Sobrang hiyang-hiya ako. Kung anuman ‘yung mga nasabi ko dati, sana, balang araw, mapatawad mo ako,” mensahe niya sa dating boyfriend.
“Sorry, kasi nagkamali ako. Dala ng kabataan, dala ng mga maling nagawa ko noon, pati ikaw, nagulo ‘yung buhay mo. Humihingi ako ng dispensa. Sana mapatawad mo ako balang araw,” dagdag pa ng award-winning sexy star.
Matatandaang nabigyan ng big break si Katherine nang maging bida siya sa pelikulang “Babae sa Breakwater” kung saan ay tatlong beses siyang hinirang na Best Actress sa iba’t ibang award-giving bodies.