
Gardo nilinaw ang pagkawala ni Sarah sa ‘Lumuhod…’
HINDI naiwasang hanapin ng showbiz press si Sarah Lahbati sa katatapos na mediacon ng “Lumuhod Ka Sa Lupa.” Ito kasi ang kapareha ni Kiko Estrada nang simulan ang aksyon serye ng TV5 nu’ng nakaraang taon.
Paliwanag ng isa sa mga bidang si Gardo Versoza, mutual decision ang pagkatsugi ng karakter ni Sarah.
Aniya, “Alam mo naman ang kwento, minsan meron kang kinakailangan na gawin na mga sacrifices. So feeling ko naman, like, both ends nagkasundo naman and, like, parang minsan hindi maiiwasan na talagang matatapat sa ‘yo or parang base sa tinatakbo ng kwento, ‘yun na talaga ‘yung pupuntahan, eh. Para, like, kumbaga, umandar ‘yung kwento. Otherwise, ‘di ba, magiging stale siya, stagnant. Tatamarin na rin ‘yung mga viewers, ‘no?
“So sa tingin ko, kumbaga, ‘yan ‘yung mga dahilan kung bakit, kumbaga, nawawala minsan ‘yung karakter. Actually, ako, kinabahan ako, eh. Kasi nabaril ako sa ulo, eh. ‘Kala ko katapusan ko na nu’n, eh. ‘Yung parang simula pa lang, so, ‘di ba, salamat sa TV5 at sa Viva Films, ‘di ba, ‘kala ko ninerbyos ako, parang aatakehin ako uli sa puso, eh. Hahaha! Pero praise the Lord!
“’Yun, kumbaga, umabot ako hanggang sa anibersaryo ng ‘Lumuhod ka sa Lupa.’ So siguro kahit papaano, ‘yun ‘yung…,” mahaba pang paliwanag ni Gardo.
Para naman sa bida nitong si Kiko, hindi umano niya inakalang aabutin ang serye ng isang taon sa ere.
“I did not expect anything. Wala akong in-expect, ibinigay ko lang ang best ko at, yeah, blessed, I feel blessed at puno ng pasasalamat na nakasama ko ‘yung cast na nakasama ko ngayon at sa pagtanggap ninyo. Honestly, thank you,” pag-amin ni Kiko.
Puring-puri nga siya nina Gardo at Sid Lucero dahil kering-keri nga raw nitong magbida sa anumang proyekto.
Sabi ni Sid, complete package si Kiko.
“Like, physically, the language, he speaks both languages very well, he’s got the face, he’s got the height, the voice, everything’s there. He’s got the action,” katwiran niya.
Dagdag pa ni Sid, “I think, he’s a fireball, man. Like if I’m going to describe kung ano talaga ‘yung… like in a word, the craft to him is, it’s just he’s passionate 100%, like it’s almost too much.”
Diin naman ni Gardo, “’Yung tipo kasi ni Kiko, bibidahin ‘yan. ‘Yung support sa ‘kin n’yo na lang ibigay, hahaha!”
Sa ngayon, excited umano si Kiko sa anumang susunod na proyektong ibigay sa kanya.
“We’ll see. Hindi naman ako maarte,” aniya. “I was never maarte and wait for something, I’m working on something special… Ang importante sa akin ‘yung role. I’m thinking about the legacy. The next one, I promise you,” tukoy pa niya.
Nakatakda na ngang magwakas ang “Lumuhod Ka Sa Lupa” na mula sa orihinal na materyal ni Direk Carlo J. Caparas. Sa nalalabing apat na linggo, asahan ang mas matitinding laban at emosyonal na paghaharap na ikagugulat ng mga manonood.
“We are incredibly proud of how ‘Lumuhod Ka Sa Lupa’ has become one of TV5’s standout original drama offerings. This wouldn’t have been possible without our talented cast, the creative minds at Sari-Sari, as well as the sustained support of every Kapatid here and abroad,” ani TV5 President/CEO Guido Zaballero.
Tutukan ang huling apat na linggo nito mula Lunes hanggang Biyernes, 7:15 p.m., sa TV5 #TodoMaxPrimetimeSingko, pagkatapos ng “Frontline Pilipinas,” at may catch-up replay, 8 p.m., sa Sari-Sari Channel.
Kasama rin nina Kiko, Gardo at Sid sa cast sina Rhen Escaño, Ryza Cenon, Althea Ruedas at marami pang iba.