Default Thumbnail

‘Freeway’ ala US, plano ng DPWH

May 24, 2023 Allan L. Encarnacion 236 views

Allan EncarnacionHINDI ko naman aakalain na mula Manila Hotel sa Roxas Blvd hanggang sa bahay namin sa Mindanao Avenue, Quezon City ay kaya kong imaneho ng 15 minutes!

Hindi Ferrari ang dala ko at lalong hindi naman ako kaskasero magmaneho. Sinubukan ko lang kasi ang usual na ruta ko kung galing Manila Hotel ay mag-Quiapo then Espana then Quezon Avenue then Edsa then North Avenue then Mindanao Ave. Karaniwan ay 1 to 1 and half hours ang biyahe, lalo na pa-peak hours na ang uwi ko, mga 430pm.

Malaking bagay ang Harbourlink na naipatayo ng pribadong sektor sa tulong din ng DPWH. Parang Skyway, bagama’t San Miguel Corporation ang may-ari, hindi madaling magagawa kung walang partnership ang pamahalaan. Ang Harbourlink naman ay Metro Pacific ang may-ari na karugtong ng Nlex.

Iyong mga trak na galing ng Northern province papuntang Port Area, Manila ay dumadaan na lamang sa Harbourlink kaysa mag-A.Bonifacio na saksakan din ng traffic sa maraming oras. Ganoon din naman ang ibang trak na galing Manila port pabalik ng Northern province ay doon na rin dumaraan.

Napapabilis nito ang daloy ng mga produkto na puwede ring magresulta ng mas mababang presyo pag dating sa merkado.

Ang kredito talaga nito ay sa DPWH dahil lahat ng right of way acquisitions, mga transfer ng mga public utilties na tatamaan at ang pagtiyak ng integridad ng mga istraktura ay ang pamahalaan ang nangangasiwa.

Totoo nga pala ang sinasabi ng DPWH na interconnected na ang National Capital Region sa loob lamang ng 15 minutes. Nagsimula ito sa panahon ni dating DPWH secretary at ngayon at Senador Mark Villar na itinutuloy naman ngayon ni Public Works Secretary Manny Bonoan.

Importante ang continuity sa mga proyektong pambayan kaya nga natutuwa tayong marinig mismo kay Secretrary Bonoan ang pagpapatuloy ng lahat ng naiwanang proyekto ng nakaraang administrasyon. Hindi ba katulad ng mga dating pamunuan na kapag hindi nila project, ipapahinto ang lahat ng dinatnan kaya maraming pera ng gobyerno ang nasasayang.

Binabanggit ni Secretary Bonoan ang plano niyang magkaroon ng “freeway” ang Pilipinas na parang sa Amerika na magkakakonekto ang lahat ng lugar via “interstate route.” Hindi ito madaling gawin pero para kay Sec Manny, sisikapin nilang magawa sa loob ng limang taong nalalabi sa termini ng Pangulong BBM.

Ang nakaumang na ay ang Cavite to Bataan bridge, isang 32 kilometers na tulay na mag-uugnay sa North at South. Kapag nagawa ito, maraming bayan ang makikinabang, lalo na ang mga dadaanan ng tulay dahil magtataasan ang halaga ng mga property. Mapapabilis din nito ang daloy ng mga kalakal mula Bataan at Cavite and vice versa, bukod pa sa dami ng trabahong puwedeng mailikha nito.

Balikan ko nga pala iyong biyahe ko mula Manila Hotel sa Maynila papunta sa bahay namin sa Quezon City, areglado ang lahat ng daanan pati pala ang R-10 o iyong Northbay Blvd na ngayon ay Mel Lopez Hway na. Ang nagiging problema ay iyong mga batang mandurugas sa mga trak ay pakalat-kalat pa rin.

Malaki na ang nabawas sa mga obstruction bagama’t hindi pa rin totally nalilinis ng Maynila at Navotas. Iyong sa parte talaga ng Maynila ang nakakatakot daanan, lalo sa gabi dahil nga sa dami ng obstruction at mga kawatan na lantaran kung kumilos.

Dapat siguro tutukan din ng Manila Police ang R10 area dahil magandang alternatibo ito sa mga papasok at palabas ng Maynila. Sana nga ay madakip nila ang mga tirador na kabataan doon dahil maraming panganib ang naidudulot ng mga ito sa mga motorista.

Kaya lang, dahil sa Juvenile Justice law, pinakakawalan din agad kapag naaresto ang mga magnanakaw na bata. Sana nga rin ay maamyendahan ang batas na ito para kahit bata at maipakulong sa isang reformatory institution.

Iyong mga kriminal na batang pinakakawalan natin dahil sa batas ay sila ring nagiging future criminals na pakalat lang sa ating paligid.

[email protected]