JV

Fake AI war order vs China ni PBBM kinondena ni JV, Robin

April 26, 2024 PS Jun M. Sarmiento 421 views

NABABAHALA at kinondena kamakailan ng dalawang senador ang umano’y fake audio recording na laganap sa social media kung saan naririnig si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nag-uutos sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na giyerahin ang China.

Naniniwala ang marami na ginawa ang recording sa tulong ng Artificial Intelligence (AI).

“This is so foul. I think it is important for the right agencies of the government like the Department of Justice and the National Bureau of Investigation to act on this immediately in order to know and unravel the truth behind this criminal act.

Masama po ang intensyon ng mga nasa likod ng ganitong gawain,” ani Sen. Joseph Victor Ejercito.

Iginiit din ni Ejercito na dapat lamang na masusing mag imbestiga dito ang tamang sangay ng gobyerno at papanagutin ang mga personalidad na nasa likod ng pekeng audio recording.

“Hindi po kasi ordinaryo ang ganitong klase ng pagsasabotahe sa ating Pangulo. National security is at risk here. We cannot just ignore this matter. We need to take this seriously. I am very sure may motibo ang mga nasa likod nito,” dagdag ni Ejercito.

Nauna rito, nagpahayag ang Presidential Communication Office (PCO) at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na peke ang audio recording ni Pangulong Marcos na malisyosong ginawa sa tulong ng AI para palabasin na nagtatakda na ng giyera ang punong ehekutibo laban sa China.

Para naman Sen. Robinhood Padilla, nakababahalang bagay ang ganitong pahayag na hindi dapat “ipagwalang bahala lamang.”

Ipinahayag ni Padilla ang kanyang pagkabahala at sinabi niyang hindi ordinaryong biro ang isyu ng giyera sa pagitan ng Pilipinas at China.

“Kung susumahin po natin at gagamit lang tayo ng katuwiran, walang maniniwala na may order na ang Pangulo na mag umpisa ng giyera gaya ng maririnig natin sa audio recording.

Kasi po ang anuman giyera na papasukin na ating bansa aaprubahan pa ng Kongreso. Kayat malinaw na kalokohan lang ito ng mga walang magawa,” ani Padilla.

Ayon pa kay Padilla, dapat madaliin ang pagsasampa ng legal na aksyon sa mga nagpapakalat ng fake news na ito.

“Dapat hulihin po agad ang mga nasa likod nito. Dapat kumilos ng maayos ang ating mga awtoridad at magpakitang gilas para matukoy kung sino ang nasa likod ng ganitong masaman gawain,” giit ni Padilla.

Matatandaan na kumalat ang nasabing fake audio recording sa social media na tahasan naman na itinanggi ni Pangulong Marcos at kinondena ang ganoong gawain.