Default Thumbnail

Estero Rangers ng Manila Department of Public Service, malupit ang trabaho

November 9, 2022 Edd Reyes 355 views

Edd ReyesHINDI biro ang mapabilang sa “Estero Rangers” ng Manila Department of Public Service (DPS) dahil sa pangalan pa lamang, kikilabutan ka na sa uri ng kanilang trabaho bilang tagapag-linis ng mga maruruming estero, kanal at iba pang daluyan ng tubig sa Lungsod ng Maynila.

Walang pinipiling lugar o panahon ang mga Estero Rangers dahil tag-init man o tag-ulan wala silang takot na lusungin ang maruruming estero at kanal para alisin ang mga basura ng hindi inaalintana ang posibleng epekto nito sa kanilang kalusugan.

Batid naman ng lahat na may mga estero sa Maynila na nagsisilbi ring palikuran ng mga residenteng naninirahan sa gilid ng mga kanal at ito rin ang ginagawang tapunan ng iba’t-ibang uri ng basura ng mga pasaway na residente.

Pero dahil sa ipinamalas na sipag, tiyaga at dedikasyon sa kanilang trabaho ng mga malulupit na Estero Rangers, marami na ngayong mga estero at kanal na dati’y hindi nakikita ang tubig dahil sa dami ng basura ang maayos na nadadaluyan na ng tubig kaya halos wala ng baha sa lungsod o kung mayroon man dahil sa lakas ng buhos ng ulan ay madali rin namang nawawala.

Bukod nga pala sa Estero Rangers, may mga tauhan din si DPS Acting Director Kayle Nicole Amurao na tinatawag namang Team Magdaragat at Baseco Beach Warriors na naglilinis naman ng mga baybaying dagat na nasasakupan ng Lungsod ng Maynila.

Batid naman ng marami kung gaano karumi dati ang Baseco Beach dahil isang katerbang informal settlers ang namamalagi rito pero dahil sa mga mandirigma ng DPS, napapaliguan na ngayon ang dati’y napakaruming baybaying dagat.

Kung sabagay, noong panahon pa ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ay tumanggap na ng pagkilala ang DPS a ilalim ni Director Kenneth Amurao mula sa International Council for Environmental Law at sa Institute for Governance Sustainable Development ng Washingto DC dahil sa kanilang pangangalaga sa kalikasan.

Pamahalaang Lungsod ng Navotas, humakot ng parangal

ISANG malugod na pagbati kay Mayor John Rey Tiangco dahil isang katerbang parangal ang hinakot ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa 2022 Urban Governance Exemplar Awards ng Department of Interior and Local Government-National Capital Region (DILG-NCR).

Kabilang sa mga parangal na tinanggap ng pamahalaang lungsod ang Ideal Level of Functionality dahil sa pagpapahalaga ng lokal na lupon sa pagkakaloob ng proteksiyon sa mga kabataan at kababaihan, High Functionality dahil sa itinayong lupon na tutugon sa problema sa paggamit ng ilegal na droga at ang Functional ratin dahil sa binuong lupon para sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan.

Kinilala rin ang Navotas bilang Child-Friendly Local Government dahil sa pangunguna sa proyektong Informal Settler Families Cluster for the Manila Bay Clean-Up Rehabilitation and Preservation Program (MBCRPP) at agarang pagtupad sa MBCRPP sa hanay ng mga LGUs pati na rin sa pangunguna sa Fisheries Compliance Audit (FishCA).

Pinasalamatan naman ni Mayor Tiangco ang suportang ipinagkakaloob ng bawa’t Navoteño sa kanyang pamumuno at sinabing magsisilbing inspirasyon ang mga parangal para lalu pa nilang pagbutihin ang pamamahala at pagkakaloob ng serbisyo sa mamamayan.

Kasama ni Mayor Tiangco sa pagtanggap ng parangal sina City Planning and Development Officer Engr. Rufino M. Serrano at Navotas DILG OIC Director Jenifer G. Galorport habang dumalo rin sa okasyon ang iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE