
Empleyadong ‘Marites’ isailalim sa GMRC – solon
DAPAT sumailalim sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) ang mga empleyado na napakahilig mag-Marites, o hindi mapigilan ang kanilang “makati at matabil na dila” na magpakalat ng mga chismis at intriga sa kanilang kapuwa empleyado.
Iminungkahi ng isang Manila congressman na kailangang pasimulan at mahigpit na ipatupad ng bawat management ng isang tanggapan, pribado man o pampubliko, ang GMRC sa kanilang opisina para masawata ang bullying laban sa isang empleyado na nakararanas nito.
Binigyang diin ni Manila 2nd District Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na kailangang turuan ng magandang asal ang bawat empleyado partikular na yung mga “makakati ang dila” na mahilig maghasik ng intriga sa loob ng kanilang opisina.
Ipinaliwanag ni Valeriano na hindi lamang sa loob ng paaralan itinuturo ang GMRC, bagkus dapat din itong matutunan sa loob ng opisina, pribado man o pampubliko. Ito’y para maturuan ang bawat empleyado ng tamang asal at ang pagkakalat ng chismis ay hindi magandang gawain.
Sinabi ni Valeriano na dapat maging isang “management decision” ang pagpapatupad ng GMRC sa loob ng pribado at pampublikong opisina. Ito’y matapos muling mabuhay at maungkat ng usaping “office bullying” bagama’t hindi ito masyadong napapansin dahil wala naman aniyang nagrereklamo.
Gayunman, iginiit ng mambabatas na dapat seryosohin ng bawat tanggapan ang nasabing usapin sapagkat lubhang naaapektuhan nito ang mental health ng mga empleyado na nakararanas ng pangbu-bully, na nakakaapekto rin sa kanilang trabaho at psychological state.
“Madalas nasa leadership iyan ‘eh. Corporate executives or office leaders should set the example. Hindi sila dapat ang pasimuno ng politika at intriga sa loob ng kanilang opisina. Bahagi ng leadership skills nila ang itaas ang antas ng GMRC sa bawat opisina na sakop nila,” ayon kay Valeriano.
Nauna rito, ipinahayag ni Valeriano na hindi pa rin makaliligtas sa parusa ang mga empleyadong “makakati ang dila” o mas kilala bilang mga “chismoso at chismosa” na napakahilig mag-Marites ng mga maling kuwento at fake news laban sa kapuwa nila empleyado sa loob ng opisina.
Ayon sa kongresista, bagama’t hindi pa tuluyang naisasabatas ang isinulong na panukala sa Kongreso laban sa “office bullying,” mayroon na umanong umiiral na batas laban dito. Maaari pa rin silang mapanagot alinsunod sa itinatakda ng Republic Act (RA) No. 4363.
Sinabi nito na nakapaloob sa RA 4363 ang pagpapataw ng parusa laban sa sinumang nagkakalat ng “false accusation” o maling paratang, at ng chismis o gossip sa pamamaraan ng oral defamation o paninirang puri laban sa isang tao.