
Elijah personal choice ni Sofronio para sa makulay na life story
BONGGA ang ginawang pagsalubong ng Kapamilya at Star Magic executives kay “The Voice USA” Season 26 champ Sofronio Vasquez sa ginanap na Dream Come True contract signing nitong Martes.
Present sa okasyon ang Star Magic at Entertainment Production head na si Direk Lauren Dyogi, ABS-CBN Chief Operating Officer (COO) Cory Vidanes at “It’s Showtime” Business Unit/Polaris Management Head Reily Santiago.
Emosyonal nga ang hapong iyon dahil sa muling pagtungtong ni Sofronio sa “It’s Showtime” stage sa Studio 2 ng ABS-CBN.
Matatandaan na dito siya nag-perform at naging finalist sa Tawag ng Tanghalan Season 2 (2017) at 3rd placer sa All-Star Edition (2019) bago tumungo ng Amerika para mag-train at nagwagi sa “The Voice USA” Season 26.
Maraming plano ang Kapamilya execs para sa career ni Sofronio sa ’Pinas at Asya. Kabilang dito ang pagpapalabas ng kanyang makulay at inspiring na life story.
Balita ng People’s Tonight, posible itong maging isa sa mga unang handog ng “Maalaala Mo Kaya,” na sinasabing babalik sa ere soon kasama si Judy Ann Santos bilang bagong host.
Siyempre, excited si Sofronio para rito.
Aniya, “More than the real life story, sobra akong nae-excite kasi kung ano iyong maipakikita nila ng buong ABS-CBN, I am just so excited na, tingnan mo, dati napapanood ko na sa TV, ngayon sarili ko nang istorya. Kaya thank you, thank you.”
Nang tanungin kung sino ang napipisil niyang magbida sa kanyang life story, si Elijah Canlas ang binanggit niya.
Pag-amin ni Sofronio, “Actually, nagkaroon na kami ng mga meeting, mayroon ng briefing, storytelling. Mayroon na ring interview. And tinatanong ako kung gusto kong umarte. Kaso, natsa-challenge ako. Sabi ko gusto ko na lang kumanta. Pero kung balak talaga nilang ipasok ako, sa ‘Batang Quiapo’ na lang kahit na mafia ang role ko. Huwag lang ‘yung iyak-iyak kasi hindi ko yata kaya. Pero hindi ko alam. I mean everything now is a possibility.”
Aniya, hooked nga siya ngayon sa panonood ng mga teleserye at kabilang sa mga paborito niyang tutukan ay ang “Incognito,” na pinagbibidahan nina Richard Gutierrez, Daniel Padilla, Ian Veneracion at kung saan naging guest si Elijah kamakailan.
“So, sana mabigyan ako ng pagkakataon… Elijah Canlas. That would be exciting. He’s very good in acting,” wish pa ng balladeer.
Samantala, marami nang nakalinyang trabaho ang Star Magic para kay Sofronio bilang bago nilang alaga. Kasado na ang ilang shows dito sa ‘Pinas at sa iba pang parte ng mundo.
Mapapanood siya sa US, Canada, Middle East at Australia simula sa March 15 (San Francisco), March 29 (Sacramento), March 8 (Los Angeles), June 14 (Utica), July 19 (New York City), April 25 (Winnipeg), May 2 (Calgary), May 4 (Vancouver), May 24 (Dubai), July 25 (Sydney) at July 26 (Melbourne, Australia).