
Dengue ni Vice, binuking ni Kim
Nadulas si Kim Chiu kahapon sa live episode ng “It’s Showtime” at ibinuking na nagkaroon ng dengue si Vice Ganda.
Nagpasalamat kasi si Vice sa isang medical clinic na gumamot sa kanila nu’ng nagkasakit sila ng dyowang si Ion Perez.
“Okay na po ang platelets ko kaya thank you very much, normal na ulit,” sambit ng Unkabogable Star.
Maya-maya ay nagpaalala si Vice sa madlang people tungkol sa kalusugan.
“Madlang people, keep hydrated, please, ha? Napakahalaga ng hydration,” aniya.
Hirit naman ni Kim, “Buti okay ka na ngayon, Ma. Pero kahit may dengue ka, nagtrabaho ka pa rin. Bakit ganu’n?”
Naloka si Vice Ganda at sey niya, “Talagang in-out mo nagka-dengue ako.”
Na-realize naman ni Kimmy na nadulas siya at hindi na nakapagsalita habang si Vice naman ay natawa na lang pero halatang naloka.
Bawi naman ni Kimmy, “Pero magaling ka na.”
Natatawang sey ni Meme Vice, “Sana alam ko na may dengue ako nang time na ‘yun. Hindi ko nga alam, ‘di ba? Nalaman ko na lang, nasa dulo na, ‘ay may dengue pala ‘ko.’”
Wala nang nagawa si Vice na nabuking na ni Kimmy ang kanyang sakit.
“Nasabi na niya rin, mag-ingat po kayong lahat,” natatawang sabi ni Vice.
Hirit naman ng Chinita Princess, “Pero, Ma, nakakabilib kasi hindi ka nanghina.”
Sagot naman ni Vice, “Kasi nga, mataas ang immune system ko. Kumpleto ako sa mga bitamina, at saka healthy living na ‘ko.”
Pero tawa pa rin nang tawa si Vice sa pambubuking ni Kim.
“In-out mo talaga,” aniyang laugh nang laugh.
Tawa rin naman si Kimmy although halata na nabigla siya sa kanyang pagkakadulas.