Default Thumbnail

EDSA Carousel maniningil na ng pasahe sa Enero 1

December 29, 2022 Jun I. Legaspi 373 views

SIMULA sa Enero 1, 2023, may bayad na ang pagsakay sa EDSA Carousel, ito ay ayon mismo kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista.

Ang anunsiyo ay ginawa ni Bautista matapos nitong pangunahan ang pagbubukas sa bagong EDSA Busway Station – ang Tramo Busway Station sa Pasay City, Miyerkules Disyembre 28, 2022.

“Ako po ay nagpapasalamat sa ating supporters – sa MMDA, i-ACT, LTFRB, at nagpapasalamat po ako sa mga operators ng buses, dahil sila po ang talagang magsu-support sa ating operations para mabigyan natin ng convenient, affordable, accessible, and safe travel experience ang ating mga riders dito sa EDSA,” ayon kay Bautista.

Sinabi din ni Bautista na makakatulong ang bagong istasyon na ito upang mas mapadali ang pagsakay at pagbaba ng mga pasahero na malapit sa Tramo Busway Station.

“Ito pong bus stop na ito ay magbibigay ng convenience sa ating mga mananakay para ‘yung mga bumababa at sumasakay sa lugar na ito ay hindi na masyadong lalakad ng malayo,” ayon kay Bautista.

Sa hiwalay na statement sinabi ni MMDA General Manager Procopio Lipana, “full support” sila sa programang ito ng DOTr para sa mas higit na mabigyan ng magandang serbisyo ang mga pasahero.

Samantala, sinabi naman ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na sana ay ipaliwanag mabuti ng DOTr kung ano ang benepisyo sa mga mananakay o commuters kung isasapribado ang EDSA Caruosel.

“Mapapagaan ba ng privatization ang kalbaryo ng mga mananakay sa EDSA ‘pag natuloy ito? Magkano ang pasahe,” tanong ng LCSP.

“Malamang ay ang buong operasyon ng EDSA Carousel. Hindi lamang mga sasakyan ang pribado kundi pati ang mga system at (infrastructure) na kaugnay dito,” saad ni Inton.

Dagdag ni Inton, “Sa ngayon ay umaasa tayo na ano man plano ng DOTr ay mauuna muna ang interes ng mga pasahero bago ang negosyo.”

AUTHOR PROFILE