Economic team ni PBBM, kailangang doble kayod

December 8, 2022 Paul M. Gutierrez 101 views

PaulIBINALITA ng Department of Trade and Industry (DTI) na asahan na ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin pagdating ng Enero sa susunod na taon. Nasa sampung porsiyento umano ng presyo ang inaasahang itataas ng mga ito.

Kabilang umano sa mga magtataas ang sardinas, gatas, kape, tinapay, instant noodles, sabon, maging suka, toyo at iba pa.

Sinabi ng opisyal ng DTI na ang mga produktong ito ay hindi kasama sa suggested retail price bulletin na kanilang inilabas noong Agosto at ang panukalang pagtaas ay kanila nang sinuri.

Pinapayagan lamang kasi ng DTI ang pagtaas sa presyo ng bilihin sa 40 hanggang 50 items.

Dahil ito naman talaga ang reyalidad ngayon na tumataas na talaga nag presyo ng mga bilihin at hindi na makasabay ang sinusuweldo ng mga manggagawa. Lalo na sa panahon ngayon na bumabawi pa lamang an gating ekonomiya dulot ng Covid 19. Hindi pa nga ito lubusang nakaka-recover dahil hanggang ngayon may mga restriksyon pa rin.

Halimbawa na lamang ay hindi pa bumabalik ang lahat ng mga mag-aaral sa mga pamantasan at nasa mga online classes pa rin. Habang ang ilang mga negosyo at opisina ay nag-ooperate sa limitadong kapasidad pa rin.

Ibig sabihin lamang nito na kailangang maramdaman ng mga tao ang ginagawa ng economic team ni Pangulong BongBong Marcos dahil sa totoo lamang marami po ang hindi matutuwa kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon.

Masasabi nating makakahinga ang publiko ngayong Kapaskuhan dahil inaasahan na babantayan ng gobyerno ang galaw ng presyo ng mga bilihin upang maiwasang magsamantala ang iba.

Sa ganito kasing panahon alam naman natin na dahil panahon ito para gumastos ang publiko para may mapanghanda at mapangregalo sa Pasko at Bagong Taon ay nagsisimulang tumaas ang mga presyo.

Pero pagkatapos ng Kapaskuhan kung kailan naubos na ang kanilang mga pera sa paghahanda at pagsalubong sa Bagong Taon ay kakaharapin naman nila ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

At sino ang hahanapin ng mga mamamayan para kumilos dito? Siyempre ang Pangulo. Kaya malaki ang responsibilidad ng economic team ni PBBM na sa tingin natin ay kailangang magdoble kayod sa ganitong sitwasyon.

Nakakalungkot na hindi natin makita ang malinaw na direksyon ng mga ito o kung paano ba mababawasan kung hindi man mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sabihin na nating hindi madali ang ganitong sitwasyon dahil sa paghina ng piso. Hindi naman pwedeng hindi magtaas ng presyo ang mga negosyante dahil sila rin ang malulugi. Kapag nalugi sila, maaaring magsara ang kanilang mga negosyo at maaaring marami ang mawalan naman ng trabaho.

Kapag magpapatuloy at sunud-sunod naman ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pamasahe, wala na ring matitira sa sahod ng mga manggagawa.

Kaya tulad ng sinasabi natin nauunawaan natin na hindi ito madali. Pero mas mahihirapan tayo kung hindi natin nakikita sa eksena ang economic team ng Pangulo na nagpapakita na alam nila ang kanilang ginagawa at kaya nila ang sitwasyon.

Kung ang kanila na lamang gagawin lagi ay balaan tayo na magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin pero hindi ipinapakita kung maibabalik ba nila ang presyo nito pagkatapos tumaas, ay hindi po magandang scenaryo yan. Masisisi lamang ang Presidente lagi kung magkakaganyan.

Hindi natin sinasabing hindi nagtatrabaho ang economic team ni PBBM. Ang hinihiling lang natin na dahil kayo ang nandyan ay magdoble kayod kayo. Kaya kayo inilagay dyan ay dahil alam ng Pangulo na may magagawa kayo sa ganitong sitwasyon.

Maliban na lang talaga kung hindi ninyo kaya, kaya namang mag-appoint uli ng panibago ang Pangulo.

AUTHOR PROFILE