TVJ

‘Eat Bulaga’ in, ‘It’s Showtime’ out sa TV5? TVJ Productions, Inc., itinatag ng iconic trio

June 7, 2023 Jun Nardo 1026 views

PORMAL nang ibinalita kahapon na TV5 na ang bagong tahanan nina Tito, Vic and Joey at ng OG Dabarkads na lumayas na sa TAPE, Inc., producer ng Eat Bulaga.

Nakita namin ang post ni Maine Mendoza sa bagong bahay at maging si Jane Basas, isa sa top executives ng Mediaquest Holdings, Inc. na ang chairman ay si Manny V. Pangilinan ng TV5.
By July daw magsisimula ang show ng TVJ and company sa Kapatid network.

Ito ba ang dahilan kung bakit replays ang napapanood sa It’s Showtime? Goodbye na nga ba ito sa TV5 noontime slot dahil mag-i-expire na ang kontrata nito sa katapusan ng buwang ito?

Sa interbyu na ibinigay ni Tito Sen sa show nina Ali Sotto at Pat-P Daza sa Net25, sinabi niya na ang usapin sa timeslot ay pagdedesisyunan ng management pati na rin ang paggamit sa titulong Eat Bulaga.

Pero kung siya raw personally ang tatanungin, sa ilalim ng itinayo nilang TVJ Productions, Inc. ay maaari nilang gamitin ang original title dahil sila umano ang tunay na nagmamay-ari nito.

“Sa akin, kailangan Eat Bulaga ang gamitin namin. Kami ang may-ari nu’n. Why would we give it up? For 44 years, bigla kang papasok, aangkinin mo? Wala ka naman du’n ah. ‘Yung stockholders at board of directors ng TAPE ngayon, ‘yung isa 10 years old nu’ng 1981. Nu’ng nag-umpisa ang TAPE, ‘yung isa hindi pa pinapanganak, eh. Papaano naging inyo?” matapang na tanong ni Tito Sen.

Sinigurado rin niya ang pagsama ng Dabarkads na nagsipag-resign din sa TAPE, Inc. tulad nina Maine, Ryan Agoncillo, Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros at Ryzza Mae Dizon, pati na ang baguhang si Carren Eistrup, atbp.

Ang dating direktor pa ring si Poochie Rivera ang magdidirek ng show nila at ang original EB headwriter na si Jeny Ferre ang tatayong over-all in charge of production.

Ayon naman sa source namin, hindi agad bonggang-bongga ang mga episode na ipalalabas lalo na’t wala pang malaking studio ang TV5 na sasakto sa mga pasabog ng show.

Mamimigay lang muna ang show ng pera via phone call at Zoom.

Kung dadalhin sa TV5 ang “Bawal Judgmental,” “Pinoy Henyo” at iba pang dating segments ng Eat Bulaga, eh, abangers tayo.

Basta sa bagong Eat Bulaga sa GMA, napapanood namin na P20,000 ang pinakamalaking pera na ipinamimigay, huh!

AUTHOR PROFILE