
E-bike driver utas sa hitman
BULAGTA ang 22-anyos na e-bike driver nang barilin ng hindi pa kilalang hitman habang kumakain sa karinderya noong Huwebes sa Paranaque City.
Dalawang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ni Anthony Aguilar, ng Opeña St., Brgy. Baclaran ng barilin ng malapitan dakong alas-7:45 ng gabi sa E. Rodriguez St., Brgy. Baclaran.
Sa tinanggap report kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes, nag-iisa lang ang hitman na yumari sa biktima na naka-itim na jacket at helmet.
Napagalaman ng mga pulis na wala pang isang taon nang makalaya sa piitan ang biktima matapos makulong sa kasong pagnanakaw at paggamit ng ilegal na droga.
Pinayuhan naman ng isang residente sa lugar ang mga kabataan na iwasang masangkot sa anumang uri ng krimen at masamang gawain dahil baka kung kailan silang nagbabagong buhay doon naman sila yayariin dahil sa kanilang naging atraso.